![]() |
|
ENGLISH ni Michiko Tsuneda University of Wisconsin-Madison page
1
9. Kyoto: Kyoto University Press.]
|
Para sa mga babaeng katulad ni Mariam, hindi lamang salapi ang bentahe ng pagtatrabaho sa restawran. Sa katunayan, ang mga babaeng manggagawa sa restawran sa Malaysia ay kadalasa’y mas mababa ang sahod kaysa sa mga lalaki sapagkat karamihan sa mga babae’y kinukuha para magtrabaho bilang serbidora samantalang karamihan naman sa mga lalaki ay kusinero na sumasahod nang doble. Sa kabila nito, sa harap ng ganitong pang-ekonomyang di-pagkakapantay-pantay na nakabatay sa kasarian, kaakit-akit pa rin ang pagtrabaho sa Malaysia. Marami sa mga dalagang mula timog Thailand na nakilala ko sa mga restawrang Thai sa Malaysia ay nagtrabaho muna para sa mga kamag-anak o kababayan, madalas mula sa mga estadong malapit sa hangganang Thai-Malaysian, tulad ng Kelantan, Trengganu, o Kedah. Mula roon, nagamit nila ang sarili nilang network ng mga bago at lumang kaibigan para makahanap ng trabaho sa iba pang mga lugar na tinitingnan bilang mas kaakit-akit, laluna ang Kuala Lumpur. Sa mga syudad ng Malaysia, partikular sa kabisera, maaari silang manamit nang mas mapangahas kaysa sa pwede sa kanilang pinanggalingan. Sa kabuuan, ang mga Muslim sa mga pamayanang Thai na nagsasalita ng Malay ay tumitingin sa mga “modernong” kababaihan na nagsusuot ng damit na nagpapakita sa kanilang katawan at nagsusuot ng makapal na meyk-ap bilang “katulad ng mga Buddhistang Thai” na hindi sumusunod sa gawing Muslim hinggil sa wastong pananamit at pag-asal ng kababaihan. Sapagkat malayo sila sa kanilang mga mag-anak habang naninirahan sa mga syudad ng Malaysia, ang mga dalaga na nangangarap na maging mas uso at |
“moderno” ay hindi gaanong napupuna tungkol sa kanilang kredibilidad bilang mga Malay na Muslim. Nakikipagkwentuhan sila sa kanilang mga cellphone—pinakaiingatan nilang pag-aari na naging posible dahil sa kanilang paghahanapbuhay—sa mga kaibigan sa Thailand at mga bagong kaibigan sa Malaysia. Ang mga “kaibigang” ito ay maaaring kabilangan ng kalalakihan. Karamihan sa mga kababaihan ay nagsasabing nag-uuwi sila ng pera sa kanilang mga pamilya tuwing bumabalik sila sa Thailand, bilang pagtupad sa kanilang papel bilang mga mabubuting anak sa pamamagitan ng pag-ambag sa ekonomya. At sa kabila ng pagsangga sa mga paghihinala hinggil sa “malaya” (bebas) na moralidad ng babae, marami ang nagsasabi na gusto nilang magtrabaho sa Malaysia para sa “karanasan” na maaari nilang makuha sa isang syudad o ibang bansa. Ang kaso ni Mariam ay tumutukoy rin sa isang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng mga lalaki at babaeng tuwatawid sa hangganan: ang posibilidad ng pag-aasawa. Ang isang uring-manggagawang lalaki mula sa Thailand, na karaniwa’y tinitingnan ng mga Malaysiano na lubhang “kulang sa edukasyon at di-tiyak sa usapin ng ekonomya” para maging isang katanggap-tanggap na asawa, ay maliit lamang ang pagkakataong makapangasawa ng isang babaeng Malaysiano. Binabanggit din na ang pagkamit ng karapatang manirahan sa Malaysia ay higit na mahirap para sa mga lalaking nag-aasawa ng Malaysiano, kung ihahambing sa mga babae. Para sa mga dalaga, di tulad ng kanilang mga kababayang binata, ang pangangasawa sa isang Malaysiano at paninirahan sa
|
Malaysia ay isang posibleng hinaharap. Sa aking mga panayam, karamihan sa mga di-elit na kababaihan mula sa mga pamayanang Muslim sa timog Thailand na nagsasalita ng Malay na nag-asawa ng mga Malaysiano itong mga huling dekada ay nagsasabing una silang nagtrabaho sa mga restawran sa Malaysia kung saan nila nakilala ang kanilang magiging asawa. Ang katotohanang maraming babae ang nag-aasawa ng Malaysiano ay hindi nangangahulugang mas tinitingala nila ang mga lalaking Malaysiano kaysa sa mga lalaki sa sarili nilang mga pamayanan sa Thailand, sa kabila pa ng mga panlipunan at pang-ekonomyang kaalwaang idinudulot nito. At samantalang kinikilala nila ang etnikong kuneksyong Melayu, ang pagkakaiba sa pagitan ng Malaysianong Malay at Thai na Malay ay pinatingkad ng lumalaking interaksyon sa pagitan ng dalawang grupo bilang mga taong may magkaibang pambansang karanasan at panlipunang identidad. Ang nakikitang paglaki ng bilang ng pangangasawa sa pagitan ng mga “dayuhang migrante” at Malaysiano ay tinitingnan bilang bantang panlipunan sa Malaysia (Healey 2000). Sa kabila ng hangganan sa Thailand, maraming babae na nag-asawa ng kapwa-Muslim sa Thailand ang tumitingin sa pangangasawa sa isang Malaysiano bilang delikadong sugal. Ang pagkakakilala nila sa mga lalaking Malaysiano ay bilang mga “mambababae” na palaging naghahanap ng pangalawa o pangatlong asawa. Ayon sa kanila, ang mga babae mula sa Thailand ay madalas “niloloko” para lamang maging pangalawang asawa o madaling abanduhanin matapos makahanap ang lalaki ng bagong asawa.
|
Sa kabila nito, tunay na maraming babae ang nag-aasawa ng Malaysiano at, para sa ilan, ito ay isang hangarin. Sinasabi nilang mapalad sila na makapamuhay nang kumportable sa Malaysia at magkaroon ng pagkakataong mabigyan ang kanilang mga anak ng mabuting edukasyon. Maraming mga magulang ng babae ay may-pagmamalaking nagkukuwento tungkol sa kanilang mga anak sa Malaysia na nagbibigay ng tulong-pinansyal. At hindi lamang tulong-pinansyal ang bentahe na maaaring iuwi ng mga babaeng nag-aasawa ng Malaysiano. Nagiging mahalaga rin silang sandigan ng mga network ng tao sa kabila ng hangganan, nagbubukas ng pintuan sa kanilang mga kaibiga’t kamag-anak sa Thailand para mamuhay, magtrabaho o mag-aral sa Malaysia. Ang mga pamayanang nagsasalita ng Malay sa timog Thailand ay mariing nakasandig sa mga di-pormal at personal na network na ito para makahanap ng trabaho sa kabila ng hangganan at makaiwas sa mga trabahong inaalok ng mga ahente. Susi sila sa paghahangad ng mas malawak na oportunidad pang-ekonomya at panlipunan. Mga Pangwakas sa Salita Ang mga Muslim na nagsasalita ng Malay na nakatira sa rehiyon sa timog na hangganan ng Thailand ay parehong naghihirap at nagsasamantala sa pambansang hangganan, tulad ng sinumang naninirahan malapit sa mga hangganan sa buong mundo (Donnan at Haller 2000; Donnan at Wilson 1999). Bilang kasapi ng isang minoryang etniko sa labas na gilid ng bansa, minamaniubra nila ang
|
kanilang mga buhay sa mga di-malinaw at di-iisang identidad. Subalit kung hanggang saan maaaring makontrol at magamit ang nabanggit na di-kalinawan para sa sariling kapakanan ay nakasalalay sa pusisyong inookupa ng indibidwal sa “power geometry” (Massey 1994, 149) ng rehiyon. Dagdag pa, sa “gendered geography of power” (Pessar at Mahler 2002), ang kakayahan ng indibidwal ay naiimpluwensyahan hindi lamang ng mga pwersang pulitiko-ekonomiko at pambatas, kundi na rin ng iba’t ibang uri ng imahinasyon at paghahangad. Ang pagtatawid-hangganan ay hindi nagbibigay ng lubos na kalayaan o lubos na kaapihan sa mga Thai-Malaysianong “borderlander” (Horstmann 2002; Takamura 2004). Ang kakayahang makapamili na manatili o umalis ay hindi bukas nang pareho sa lahat ng nasa hangganan, kundi ay nakabalangkas ayon sa kasarian, etnisidad, at uri. Ang mga lalaki’t babae mula sa magkakaibang henerasyon at estado sibil sa mga pamayanang Muslim na nagsasalita ng Malay sa timog na hangganang Thailand ay may iba’t ibang karanasan sa hangganan at pagtatawid-hangganan sa usapin ng antas at uri ng limitasyon, pang-iipit, at bentahe. Sapagkat ang pagkamit sa dual nationality ay pahirap na nang pahirap dahil sa paghihigpit ng estado, lumalaki ang papel ng kababaihan sa pagtatatag ng mga network sa hangganan. Samantalang ang mga lalaki ay tumitingin sa sarili bilang mga pansamantalang manggagawa na naghahanapbuhay sa isang bansa na “hindi kanila,” ang mga dalagang |
nagtatrabaho sa Malaysia ay nagpapanatili at lumilikha ng mga ugnayang panlipunan na binibigyang-hugis ng pambansang hangganan, samantalang nagpapalago ng mga bagong posibilidad na iba sa ibinubukas ng mga kumbensyonal na relasyong pangkasarian sa kanilang sariling bayan. Mga Pinagsanggunian Fraser, Thomans,
1960, Rusembilan: A Malay fishing village in southern Thailand,
Ithaca, N.Y: Cornell University Press. |
Donnan, Hastings at Thomas M. Wilson, 1999, Borders: Frontiers of
identity, nation and state, New York: Berg. |
|
|