Maikling Pagpapakilala sa Institute of Southeast Asian Studies sa Yunnan Academy of Social Sciences
volume 10


NEWS


Ang Yunnan Institute of Southeast Asian Studies sa Yunnan Academy of Social Sciences ay isang instityut para sa pananaliksik na nag-iispesyalisa sa araling Timog-silangang Asyano. Ito ay susing instityut ng Yunnan Academy of Social Sciences at isa sa mga pangunahing instityut pampananaliksik sa Timog-silangang Asya sa Tsina.
Kasaysayan
Ang Yunnan Institute of Southeast Asian Studies sa Yunnan Academy of Social Sciences ay isa sa mga instityut pampananaliksik na itinayo matapos ang pagkakatatag ng bagong Tsina, na may kasaysayang nagmumula pa sa unang bahagi ng dekada 1960. Noong 1963, itinatag ang Southeast Asian Research Group sa loob ng Yunnan Provincial History Research Institute at nagsimula ang sistematikong pananaliksik sa kasaysayan, etniko at iba pang mga usapin ng Myanmar (Burma), Thailand at iba pang mga bansa sa Indotsina. Nalikom ng Southeast Asian Research Group ang Historical Documents about Southeast Asia from the Histories of China’s 24 Dynasties, Collection of Historical Documents about Yunnan (from the Memoirs of Ming Dynasty), and Extracts of Historical Documents about Vietnam, Burma, Thailand, and Laos (from the Memoirs of Qing Dynasty). Napara ang pananaliksik sa panahon ng Dakilang Rebolusyong Kultural.
Noong 1972, muling itinatag ang Yunnan Provincial History Research Institute, itinayo ang Southeast Asia Research Department at nagpatuloy ang pananaliksik. Inilathala ang isang internal na peryodiko, ang Southeast Asian Documents, na may pana-panahong paglabas. Matapos ang 1976, ang gawaing pananaliksik ay nagkaroon ng pag-unlad at, mula 1979, nagsimulang mag-alok ang departamento ng mga digring pang-masterado sa Kasaysayan ng Timog-silangang Asya at Kontemporaryong Timog-silangang Asya.
Noong 1981, pinagsanib ang pwersa ng Southeast Asia Research Department at Southeast Asia Research Department sa loob ng Yunnan Provincial History Research Institute, at pormal na pinasinayaan ang Yunnan Institute of Southeast Asian Studies sa Yunnan Academy of Social Sciences. Noong 1983, mula sa internal na magasin na Southeast Asian Documents, inilathala ang bagong Southeast Asia na lumalabas apat na beses bawat taon, na siyang naging unang publikasyong akademiko sa larangan ng araling Timog-silangang Asyano sa Tsina.
Istrukturang Pang-organisasyon at mga Kawani
Sa kasalukuyan, ang instityut ay may apat na propesor, tatlong associate professor, walong research assistant, apat na junior researcher at mga empleyadong nakatalaga sa pangangalaga ng mga aklat at dokumento at gawaing pantanggapan.
Ang kasalukuyang direktor ng instityut ay si Propesor Wang Shilu at ang bise-direktor ay si Li Jianming.
Nakapaloob sa instityut ang Departamento sa Pananaliksik sa Pulitika at Ekonomya sa Timog-silangang Asya, Departamento sa Pananaliksik sa Thailand, Departamento sa Pananaliksik sa Myanmar, Departamento sa Pananaliksik sa Biyetnam at Cambodia, Departamento na Pananaliksik sa Laos, Departamento ng mga Aklat at Dokumento, at ang tanggapan ng instityut.
Ang instityut ay mayroong mahigit 50,000 aklat, na ang 15,000 ay nasa ibang mga wika, kabilang ang Ingles, Hapon, Pranses, Ruso, Thai, Biyetnames, Burmes, Laos, at Hindi. Ang instityut ay mayroon ding suskripsyon sa mahigit 80 pahayagan at peryodikong Tsino at may 90 na internasyunal.
Inilalathala ng instityut ang Southeast Asia, na lumalabas apat na beses sa isang taon.
Saklaw ng Pananaliksik
Nakatuon ang pananaliksik ng instityut sa mga bansang peninsular ng Indotsina: ang Thailand, Myanmar, Biyetnam, Laos, at Cambodia. Kasabay nito, binibigyan din ng pansin ang Singapore, Malaysia, Pilipinas, Indonesia, at iba pang mga rehiyonal na usapin. Ang saklaw ng pananaliksik ay sumasakop sa ekonomyang internasyunal, pulitikang internasyunal, relasyong internasyunal, kasaysayan, at etnolohiya. Kabilang sa mga kasalukuyang tutok ng pananaliksik ang: (1) mga ekonomya ng Timog-silangang Asya; (2) pagtutulungang rehiyonal at subrehiyonal sa Timog-silangang Asya; (3) kontemporaryong pulitika sa Timog-silangang Asya at internasyunal na relasyon; (4) mga tradisyon at modernisasyon ng Timog-silangang Asya; (5) relasyong etnolohikal at mga kulturang etniko ng mga bansang peninsular sa Indotsina at Yunnan; (6) pang-ekonomya at teknolohikal na pagtutulungan sa pagitan ng mga bansa sa Timog-silangang Asya at Yunnan; at (7) modernisasyon at mga usaping panlipunan, pangkalikasan, at ekolohikal ng mga bansa sa Timog-silangang Asya.
Mula sa pagkakatatag nito dalawampu’t pitong taon na ang nakararaan, ang instityut ay nakapagsagawa na ng ilang daang proyektong pananaliksik. Ayon sa mga panimulang istatistiko, ang instityut ay nakapagpalathala ng mahigit apatnapung aklat, at mahigit na 2,000 tesis, pagsasalin, at artikulo. Sa mga ito, mahigit 100 ang lumabas sa mga pambansang “class A” o “class B” na peryodiko, gaya ng China Social Sciences, History Studies, World History, China Border Areas History and Geography Research Report, World Economy, World Economy and Politics, Historic Study on Overseas Chinese, Modern International Relations, South Asia Studies, Current Asia-Pacific Region, at iba pa. Mahigit limampu ang lumabas sa mga mahahalagang peryodiko sa labas ng Yunnan at may apatnapu na lumabas o muling lumabas sa mga peryodikong internasyunal. Dagdag pa, ang mga rekumendasyong pampatakaran ng ilang dosenang ulat pananaliksik ay tinanggap ng sentral at panlalawigang pamahalaan, nagbibigay ng tulong sa paggawa ng desisyon, at nag-aambag sa kaunlarang panlipunan at pang-ekonomyang pagpapaunlad sa lalawigan ng Yunnan at ng Tsina sa kabuuan.
Mga Pang-akademikong Tagumpay at Impluwensyang Panlipunan
Mula sa pormal na pagkakatatag ng instityut dalawampu’t pitong taon na ang nakalilipas, maraming pang-akademikong tagumpay at tuklas ang nakamit sa mga mahahalagang larangan ng pananaliksik, na nagbunga ng mabuting impluwensyang panlipunan.
1. Ang mga tuklas sa pananaliksik sa etnolohikal na kumposisyon ng rehimeng Nan Zhao at ang pinagmulan ng mga mamamayang Thai ay nagkaroon ng malawak na epekto dito at sa ibayong-dagat, laluna sa Thailand;
2. Sa larangan ng pag-aaral sa kasaysayan ng Timog-silangang Asya, maraming uri ng tagumpay ang nakamit, na pumuno sa mga kakulangan ng mga larangan ng pananaliksik. Halimbawa, nakapaglathala ng isang serye ng mga publikasyon hinggil sa kasaysayan ng mga bansa at rehiyon, kabilang ang Burma History, Laos History, Cultural History of Southeast Asia, Historical Development of Southeast Asia since WWII, at iba pa.
3. Malalaking hakbang ang nagawa sa mga pananaliksik hinggil sa mga kalagayang pulitikal at pang-ekonomya ng mga kontemporaryong bansa sa Timog-silangang Asya. Naglabas ng dalawang serye ng mga aklat: ang Contemporary Southeast Asia Series na inilathala ng Sichuan People’s Publishing House noong 1992, na binubuo ng labing-isang aklat; at ang Contemporary Southeast Asian Economies, na inilathala ng Yunnan University Publishing House noong 1996. Ang dalawang serye ay naging mahahalagang sanggunian sa sirkulo ng aralin sa Timog-silangang Asya sa Tsina. Dagdag pa, mula noong 2000, inedit at inilathala ng instityut ang The Southeast Asia Report (bahagi ng seryeng “blue-book” sa Yunnan) at, sa kasalukuyan, pitong ulat na ang lumabas.
4. Sa mga larangan ng rehiyonal na pakikipagtulungan at relasyong internasyunal sa Timog-silangang Asya ay naglunsad ng mga gawaing inisyatibo. Kabilang sa mga publikasyon sa larangang ito ang Southeast Asia and China Walking into the 21st Century, From ASEAN to Greater ASEAN—Research on ASEAN’s 30-year Development, ASEAN and the Asia-Pacific Region in the 21st Century—The Development Trend of ASEAN and its Impact on the Asia-Pacific Region, ASEAN and China in between the Old and New Century, ASEAN Science and Technology Development and International Science and Technology Cooperation, at iba pa.
5. Sa larangan ng pananaliksik sa etnolohiya, nagpapatuloy ang mga bagong tagumpay. Kabilang sa mga pangunahing publikasyon ang Cross-border Ethnic Peoples in Southwest China and Southeast Asia, Nationalities in Peninsular Indochina, Inspirations and Choices—Ethnic Issues in Neighboring Countries and Yunnan’s Opening-up, at iba pa. Dagdag pa, nagsagawa ang instityut ng maraming pananaliksik sa subrehiyonal na kooperasyon sa pagitan ng Yunnan at Timog-silangang Asya, sa pagpuksa at pagbabawal sa droga at iba pang mga usapin. Marami sa mga resulta ng mga pananaliksik na ito ang nakakuha sa atensyon ng lalawigan at maging ng buong bansa.
Palitang Pang-akademiko at mga Gawain
Mula sa pagkakatatag nito, nagsagawa ang instityut ng mahigit tatlumpung grupong akademikong pagbisita sa Thailand, Australia, Singapore, Hapon, Amerika, Pransya, Pilipinas, Myanmar, Biyetnam, Laos, India, at iba pang mga bansa. Ang kabuuang bilang ng mga pagbisita sa ibayong-dagat ay umaabot sa mahigit 100 oras-tao, at ang bilang ng mga dumalo sa mga internasyunal na kumperensyang pang-akademiko sa Tsina at sa ibayong-dagat ay mahigit 80 oras-tao. Samantala, ang instityut ay tumanggap na ng ilang daang iskolar mula sa mahigit tatlumpung bansa.
Sa kasalukuyan, ang instityut ay mayroong data exchange relations sa mahigit sampung instityut pananaliksik at aklatan sa Amerika, Pransya, Thailand, at Singapore. Nagsagawa na rin ng dalawang proyektong pananaliksik sa tulong ng Institute of Asia Studies sa Chulalongkorn University.
Mula ika-11 hanggang ika-13 ng Mayo 1990, matagumpay na inilunsad ng instityut ang Fourth International Conference on Thai Studies, na dinaluhan ng mahigit 450 iskolar (na ang 250 ay mula sa ibayong-dagat) mula sa dalawampu’t isang bansa at rehiyon.
Kyoto Review of Southeast Asia Issue 10 (August 2008)
Adres:
Yunnan Institute of Southeast Asian Studies,
Yunnan Academy of Social Sciences,
Tel: 0871-4175672 Fax: 0871-4142394, 4184852
Email: "mailto:yndny@sina.com" yndny@sina.com
Kyoto Review of Southeast Asia
Issue 10 (August 2008)
© Center for Southeast Asian Studies, Kyoto University
KYOTO REVIEW OF SOUTHEAST ASIA GRATEFULLY ACKNOWLEDGES THE SUPPORT OF THE TOYOTA FOUNDATION.
Designed and developed by SQUEAKYSTUDIOS for CSEAS
click to download PDF