Mga Palitang-kuro hinggil sa iba’t ibang Paksa at mas Malawak na Pagtutulungan sa loob ng Balangkas ng ASEAN
Wang Xinsheng
volume 10


NEWS


Sa mga nakaraang taon, ang interaksyon at komunikasyon sa pagitan ng mga kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay naging mas madalas at malapit. Ang pag-unlad at paghusay ng mga mekanismo ng ASEAN para sa rehiyonal na pakikipagtulungan ay nagresulta sa lumalaking tendensya ng pagpasok ng mga mas maraming paksa sa adyenda ng mga ASEAN Foreign Ministers Meeting, Summit, at iba’t ibang mga ispesyalisadong simposia at kumperensyang inilulunsad ng organisasyon. Ang pagbabagong ito ay nagbibigay ng kakayahan sa asosasyon para sa rehiyonal na pagtutulungan na palawakin ang mga paksa mula pulitika, ekonomya, kalakalan, at tradisyunal na seguridad tungo sa mga usapin ng kumprehensibong pamamahalang rehiyonal at pangangasiwang kaugnay lahat ng dimensyong panlipunan. Ang ilang usaping panlipunan, na sumulpot sa domestiko at pambansang antas, ay naging pangkaraniwang paksaing internasyunal, na umalpas sa kakayahan ng mga bansa at pamahalaan na lutasin nang mag-isa. Sa kalagayang ito, ang matatag at nagkakaisang interaksyong rehiyonal ang nagbibigay sa rehiyon ng kinakailangang pwersa at plataporma para sa pagtalakay ng mga solusyon at pagsuri sa pamamahalang kooperatibo. Kasabay nito, tinutulungan nito ang mga organisasyon at asosasyon ng rehiyonal na pagtutulungan na maging mas epektibo.
Sa pagbabalik-tanaw sa mekanismo ng palitang-kuro at mga paksa sa adyenda ng mga pangunahing inter-pamahalaang organisasyon sa Timog-silangang Asya mula 2000, makikita natin na ang pakikipagtulungang transnasyunal ay lumalawak sa mga di-tradisyunal na larangan at nagbibigay-diin sa mga sumusunod na bagong larangan:
Buhay ng Tao at Paggamit sa Rekurso
Kapaligiran
Sa proseso ng pang-ekonomyang pag-unlad, ang mga papaunlad na bansa ay madalas natutuksong maghangad ng panandaliang benepisyong pang-ekonomya nang walang sapat na pagsasaalang-alang sa pangangalaga sa kalikasan. Maaaring mapaunlad nito nang malaki ang ekonomya, subalit pag-abot sa isang antas ng kaunlaran, ang pagbagsak ng kapaligiran ay magiging hadlang sa patuloy na pag-unlad ng ekonomya. Samakatwid, ang balanse at magkaugnay na pag-unlad ng ekonomya at kapaligiran ay isang istratehiyang pangmatagalan. Sapagkat ang iba’t ibang mga bansa ay mayroong iba’t ibang pamantayan ng pangangalaga sa kalikasan at sistema ng pagparusa, maaaring ilipat ng mga kumpanyang malakas lumikha ng polusyon ang kanilang operasyon sa ibang mga bansa, at ilipat ang mga negatibong epekto ng pagpapadumi sa kapaligiran sa mga bansang kanilang nilipatan.
Upang maiwasan ang ganitong pangyayari sa loob ng ASEAN, ang mga kasaping estado ay nagmungkahing magtaguyod ng sustenableng pang-ekonomyang pag-unlad sa pamamagitan ng sama-samang pagtutulungan sa mga patakarang pangkalikasan at pang-ekonomya, pagpapahusay at pagbabalangkas ng mga batas pangkalikasan, regulasyon, pamamaraan, at patakaran, at pakikipagtulungan sa proseso ng pagpapatupad. Nagtatag din sila ng komite para sa pagtutulungang pangkalikasan at mga mekanismo para sa negosasyon at pagsasaayos ng mga di-pagkakasundo. Malinaw na isinasaad sa ASEAN Vision 2020 na: “Nakikinita namin ang isang malinis at luntiang ASEAN na may mga lubos na nakalatag na mekanismo para sa sustenableng pag-unlad para matiyak ang pangangalaga sa kapaligiran ng rehiyon, ang pagiging sustenable ng mga natural na rekurso nito, at maging ang mataas na antas ng pamumuhay para sa mga mamamayan nito.” Sa isang pangunahing dokumento, ang Hanoi Plan of Action (HPA), prinoklama na dapat paghusayin ng ASEAN ang pagtutulungan upang maiwasan ang polusyon na tumatawid sa mga hangganan, makontrol ang pagkasunog ng mga kagubatan, at mapangalagaan ang pagkakaiba-ibang biolohikal at pinagmumulan ng tubig, upang mapangalagaan ang kapaligiran at maisulong ang sustenableng pag-unlad. Dapat ding bigyan ng higit pang atensyon ang usaping ito habang sama-sama tayong nagsusumikap para sa pagtatatag ng bagong-hain na China-ASEAN Free Trade Area para matiyak ang sabay na pag-unlad ng ekonomya at kapaligiran.
Natural na sakuna
Ang mga kasaping estado ng ASEAN ay aktibong nagnenegosya at nagsusumikap na magtatag ng mekanismo ng pagtutulungan upang maresolbahan ang mga banta sa mga lugar na tinitirhan ng mga tao dulot ng malubhang natural na sakuna. Ang tsunami sa Dagat India noong Disyembre 2004 ay kumitil sa buhay ng mahigit 300,000 taong naninirahan sa mga baybay-dagat ng Indonesia, India, Thailand, at Sri Lanka, kabilang ang may 160,000 na namatay o nawawala sa Indonesia pa lamang. Noong Enero 2005, naglunsad ang mga pinuno ng mga kasaping estado ng ASEAN ng ispesyal na kumperensya sa Jakarta para magkasundo sa mga pananggalang laban sa mga suliraning bunga ng mga lindol at tsunami.
Noong ika-23 ng Abril 2005, sa okasyon ng Asia-Africa Summit na ginanap sa Jakarta, Indonesia, nilagdaan ng ASEAN at iba pang mga bansa ang isang nagkaisang pahayag sa ngalan ng Summit na nananawagan sa mga kinauukulang bansa na magpundar at magtatag ng epektibong sistema ng maagang babala upang maibsan ang epekto ng mga natural na kapahamakan sa paligid ng Dagat Indian. Kabilang sa mga minungkahing hakbangin sa pahayag na ito ay: ang nagkakaisang istratehiya sa pagpapaunlad ng multi-nodal na sistema ng maagang babala na may mga mekanismo para sa paghahanda, pag-iwas, pagbawas sa masamang epekto, at pagtugon upang mapaliit ang mga kaswalting dulot ng mga natural na kapahamakan; pagtatatag at pagpapaunlad sa mga pambansa at pampamayanang sistema ng maagang babala na may sabay-sabay, kooperatibo, at hakbang-hakbang na pagpapaunlad ng nagkakaugnay at kolektibong sistemang rehiyonal; posibleng pagtatatag ng rehiyonal at internasyunal na mekanismo para sa maagap na pagtugon; eksplorasyon ng mga paraan para maging mas epektibo ang kolektibong pagkilos, gaya ng mga nakaantabay na kaayusan para sa pagbibigay ng tulong sa panahon ng kapinsalaan at pang-emerhensiyang pagtugon, mga network para sa palitan ng impormasyon, at mga data bank at sentro para sa pananaliksik na gumagamit sa pinakaabanteng syensya at teknolohiya; at mga istratehiya para maibsan ang mga epekto ng natural na kapinsalaan. Nanawagan din ang pahayag ng pagpapalakas sa kultural at pang-edukasyong komunikasyon tungkol sa paghahanda sa kapinsalaan sa mga bansang Asyano at Aprikano, laluna sa pagitan ng mga eksperto sa mga bansang ito. Kasabay nito, hinimok nito ang patuloy na pabigbigay ng internasyunal na pamayanan ng teknolohiya at tulong pinansyal para sa pagbangon at rekonstruksyon ng mga bansang nasalanta. Ipinahayag na ang mga estado ay naninindigan sa pagpapatupad ng mga hakbangin na magpapabawas sa epekto, magbibigay ng tulong sa mga naapektuhan, at haharap sa mga kapinsalaan.
Noong Hulyo 2005, pinagtuunan ng pansin ng ika-38 na ASEAN Foreign Ministerial Meeting ang pagnenegosya at pagpormulisa sa ASEAN Charter (para gawing ligal na kinatawan ang ASEAN), at ang pagtatatag sa mga mekanismo para sa pagkontrol sa kapinsalaan at pang-emerhensiyang pagtungon. Ang ASEAN Disaster Management and Emergency Response Agreement na nilagdaan sa pulong na ito ay nagbibigay ng institusyonal na garantya para sa ASEAN na sama-samang tumugon sa iba’t ibang kapinsalaan.
Emerhensiya sa Pampublikong Kalusugan
Inilabas sa ika-7 ASEAN Summit, na inilunsad sa Bandar Seri Begawan, Brunei, mula ika-5 hanggang ika-6 ng Nobyembre 2001, ang 7th ASEAN Summit Manifesto on HIV/AIDS at ASEAN HIV/AIDS Work Plan (2002-2005), na tumutugon sa mga suliranin at hamon na dulot ng paglaganap ng AIDS sa rehiyon. Ang 8th ASEAN Public Health Ministers’ Meeting, na may temang “ASEAN Jointly Faces Health Emergencies,” at ang 2ND ASEAN Plus Chinese, Japanese, and Korean Public Health Ministers’ Meeting ay magkasabay na pinasinayaan sa Yangon noong ika-21 hanggang ika-22 ng Hunyo 2006. Mahigit 100 opisyal ang dumalo, kabilang ang mga ministro ng pampublikong kalusugan mula sa mga bansang ASEAN, mga opisyal ng UN sa Myanmar, mga opisyal ng pampublikong kalusugan mula sa Tsina, Hapon, at Korea, at mga opisyal ng mga misyon ng ibang mga bansa sa Myanmar. Sa kanyang pagbubukas na talumpati, sinabi ni Thein Sein, ang Tinyente-Heneral at Unang Kalihim ng Myanmar State Peace and Development Council, na sa nakaraang dalawang taon, nakaranas ang rehiyon ng parami nang paraming hamon mula sa mga emerhensiya sa pampublikong kalusugan gaya ng tsunami at bird flu. Binigyang-diin niya ang pangangailangan para sa mga bansang ASEAN na pahigpitin ang kanilang pagkakaisa at malapit na pagtutulungan para sama-samang harapin ang mga hamon na ito. Sinabi rin niya na ang transrehiyonal na pagpupulong ay makatutulong sa dagdag na kooperasyon sa pagitan ng mga bansang ASEAN at Tsina, Japan, at Korea sa sektor ng pampublikong kalusugan. Binigyan din niya ng ispesyal na banggit na ang darating na unang ASEAN-China Public Health Ministers’ Meeting ay makabuluhang magpapatupad sa napagkasunduan ng lahat sa 9TH ASEAN-China Summit, na tutulong sa mga kinauukulang bansa sa pagsasagawa ng mga kinakailangang hakbangin para maiwasan ang bird flu. Isinaad ng Ministrong Pangkalusugan ng Singapore na si Khaw Boon Wan na, “Gaya ng sinaunang kasabihang Tsino, ‘Ang malayong kamag-anak ay hindi kasing-inam ng malapit na kapitbahay.’ Sa paghaharap sa mga emerhensiya sa pampublikong kalusugan, ang mga bansa sa ating rehiyon ay dapat magtulungan at magpalakas sa kooperasyon.”
Enerhiya
Ang mga bansang ASEAN ay gumawa rin ng mga pagsusumikap tungo sa pagtatatag ng mga mekanismo para sa rehiyonal na kooperasyon tungo sa sabayang pagpapaunlad at paggamit ng mga natural na rekurso para matiyak ang sustenableng pag-unlad ng rehiyon. Ang pagtutulungan sa mga larangan ng enerhiya at seguridad sa pagkain ay partikular na mahalaga. Kamakailan lamang, noong ika-3 ng Hulyo 2007, sa 18th ASEAN Meeting of Energy Ministers sa Hanoi, tinalakay ng mga dumalo ang seguridad sa enerhiya at nagkasundo na pabilisin ang pagsasakatuparan sa bisyon ng mga pinuno ng ASEAN na magtatag ng network pang-enerhiya sa ASEAN.
Noong ika-21 ng Oktubre 2002, ginanap sa Bangkok ang 4th ASEAN Energy Forum na may temang “Sustainable Energy in the 21st Century.” Naglunsad ang mga dumalo ng mga seminar hinggil sa mga kasalukuyang tendensiya sa pagpapaunlad ng enerhiya, mga kasalukuyang tendensiya sa pangangailangan para sa enerhiya ng ASEAN, mga hinaharap ng alternatibong enerhiya, pagreporma sa patakarang pang-enerhiya, ang potensyal sa “e-business” ng industriya ng enerhiya sa ASEAN, at iba pa. Ang 8th ASEAN Council on Petroleum Conference ay ginanap sa Maynila, mula ika-30 ng Nobyembre hanggang ika-3 ng Disyembre 2004. Sa kumperensyang ito na pinasimulan ng pangulo ng Pilipinas na si Gloria Arroyo, tinalakay ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang bansa ang posibilidad ng pagtatatag ng mga rehiyonal na reserba ng langis. Isinaad ni Raphael Lotilla, Kalihim Pang-enerhiya ng Pilipinas noong panahong iyon, ang kanyang pagtingin na ang pagtatatag sa mga rehiyonal na reserba ng langis ay makatutulong sa seguridad pang-enerhiya ng ASEAN at aayon sa pinakamabuting interes ng mga kasaping bansa. Sinabi niya na ang Subic Bay sa hilaga ng Maynila ay maaaring maging isang lokasyon para sa reserba, at may ilang mga pribadong institusyon at mamumuhunan na nagsaad ng interes tungo sa pagpapaunlad dito bilang isang komersyal depot na reserba ng langis. Dagdag pa, sinuportahan ng Kagawaran ng Enerhiya ng Estados Unidos ang programang ito at nagmungkahi na maglikom ng kapital ang pamahalaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng direktang pamumuhuan o rebenyu sa buwis mula sa mga produktong-langis. Gayunpaman, ang mga bansang ASEAN ay hindi nagbigay ng pagsang-ayon sa mungkahing na ito at hindi rin ito inilagay sa adyenda.
Ang asosasyon na ASEAN Plus Three na binubuo ng ASEAN, Hapon, Tsina, at Korea ay nagpaibayo sa koordinasyon sa patakaran tungo sa pagtatatag ng mga sistema para sa seguridad sa enerhiya at pagkain. Ang kumbensyon ng First ASEAN Plus Three Energy Ministers’ Meeting ang kumakatawan sa unang hakbang tungo sa pagtutulungan sa enerhiya. Sa pulong na ito, ipinahiwatig ng Hapon at Korea ang kanilang kahandaan na magbigay ng pondo at teknolohikal na kooperasyon sa Timog-silangang Asya, na wala pang naitatayong mga reserba ng langis. Upang maiwasan ang pagpapagulo sa pamilihan ng langis ng mga di-inaasang pangyayari, tinalakay rin ng mga nagsipagdalo ang pagtatayo sa Asyanong bersyon ng sistema ng reserba na pinapairal ng mga estadong kasapi ng International Energy Agency (IEA) para maibsan ang tensyon sa pamilihan. Nagkaroon din ng positibong pagtingin ang Tsina tungo sa pagtatayo ng sistemang kooperatibo. Sa isang panayam na lumabas sa Yomiuri Shimbun ng Hapon, sinabi ng kinauukulang opisyal ng Tsina na kung ang reserba sa langis, pinagmumulan ng langis, at ang ruta ng transportasyon ay maaaring paramihin, at kung makikilahok ang Tsina sa sistema ng pangangalaga sa seguridad ng langis, matitiyak din ang seguridad ng Tsina sa langis. Sinabi rin niya na ang kakayahan ng ASEAN Plus Three ay dapat bigyan ng ganap na ekspresyon.
Seguridad sa Pagkain
Ang sampung bansang ASEAN ay nangangalaga ng 87,000 tonelada ng reserba sa bigas. Subalit sa ikalawang bahagi ng dekada 1990, nang magkaroon ng kakulangan ng pagkain sa Indonesia, lumitaw ang kahinaan ng kooperatibong sistema ng reserba. Dahil dito, iminungkahi ng mga bansang ASEAN na gumawa ng karagdagang hakbang tungo sa pagtatayo ng sistemang pang-emerhensiya sa reserba ng bigas sa Silangang Asya, kasama ang pagpapatupad sa mekanismo ng ASEAN Plus Three, upang makakuha ng pondo para sa pang-emerhensiyang bigas at butil.
Noong ika-8 ng Oktubre 2004, ginanap ang Fourth Meeting of the ASEAN, China, Japan, and Korea Agriculture and Forestry Ministers sa Yangon, Myanmar. Ipinahiwatig ng mga nagsipagdalong ministro ang kanilang kahandaang palakasin ang pakikipagtulungan sa agrikultura, pagkakahoy, pag-alaga ng hayop, at akwakultura. Isinaad sa nagkaisang pahayag sa media na inilabas matapos ang pulong na ang mga ministro ay nasisiyahan sa lumalaking kooperasyon sa agrikultura, pangisdaan at pagkakahoy sa pagitan ng ASEAN at mga bansang Tsina, Hapon, at Korea. Malugod din ang pagtanggap sa mga bagong programang kooperatibo na ilulunsad sa taong 2004 at 2005. Binigyang-diin din ng mga ministro ang kahalagahan ng pagtatatag sa pang-emerhensiyang reserba ng bigas sa Silangang Asya, mga nagkaisang pagsusumikap para labanan ang bird flu, at mga usaping kaugnay ng pagkakahoy.
Panlipunang Kaunlaran at Kabutihan
Ang kaunlarang pang-ekonomya ng mga bansang ASEAN ay hindi balanse, at lubhang kapansin-pansin ang puwang sa pagitan ng lungsod at lalawigan. Ang paurong na panlipunang pag-unlad sa mga rehiyong atrasado ay lubhang humahadlang sa integrasyong rehiyonal. Bilang resulta nito, ang ASEAN ay humaharap sa bagong suliranin ng pagsusulong ng kooperasyon sa iba’t ibang aspeto ng mga usaping panlipunan.
Sa 33rd ASEAN Ministerial Meeting na ginanap sa Bangkok noong Hulyo 2000, nilagdaan ng mga ministro mula sa sampung kasaping bansa ang Joint Declaration on Cooperatively Settling Social Issues in ASEAN. Sinabi ni Dr. Surin Pitsuwan, Ministrong Panlabas ng Thailand noong panahong iyon, sa seremonya ng paglagda na ang dokumentong ito at iba pang mga dokumentong nilagdaan ng mga ministrong panlabas ay muling nagpapamalas sa paninindigan at determinasyon para sa mahigpit na pagtutulungan at sama-samang pagharap sa mga hamon.
Sa pulong na ito, ang mga nagsipagdalong ministro ay nagkasundo sa kabuuan na ang ASEAN ay humaharap sa malubhang hamon ng mga suliraning panlipunan matapos ang krisis pinansyal sa Asya, kabilang ang krimeng transnasyunal, pagbebenta ng iligal na droga, pagbebenta sa kababaihan at kabataan, at iba pa. Ang pagharap at matagumpay na paglutas sa mga suliraning ito ay magkakaroon ng direktang epekto sa pag-unlad ng ASEAN sa bagong dantaon at sa relasyon sa pagitan ng mga kasaping estado ng ASEAN. Ang pagsulong sa nagkakaisa at nagkakaugnay na pag-unlad sa lahat ng larangan ang pinakamataas sa adyenda ng pulong na ito, at ang ibinunga nitong nagkaisang pahayag ay nagbigay-diin na, bilang sagot sa mga suliraning panlipunan pagkatapos ng krisis pinansyal at maging sa mga hamon na dulot ng globalisasyon, ang isang kumprehensibong programa sa kaunlaran ay magbibigay ng pinakamataas na pagpapahalaga sa interes ng mga mamamayan. Ang pinalawak na ASEAN ay dapat magsumikap para sa mas mainam na paggamit sa rekursong tao at pagpuksa sa kahirapan, sama-samang labanan ang mga krimeng transnasyunal tulad ng pagbebenta ng droga at tao, upang makapagtayo sa pamamagitan ng nagkakaisang pag-unlad ng isang matatag at maunlad, “may panlipunang pagkakaisa at mapagkalinga na ASEAN” na may integradong pamilihan. Napansin ng media na ang pulong na ito, na inilunsad sa pagpasok ng bagong dantaon, sa pagpapalitan nito ng mga pananaw sa maraming konkreto at kagyat na rehiyonal at pambansang suliranin, ay mas realistiko at napapanahon. Kinakailangan nating bigyan ng pansin na, sa kauna-unahang pagkakataon, ang pagsasaayos sa mga suliraning panlipunan at ang pagsusulong sa pag-unlad ng tao ang inilagay sa itaas ng adyenda ng mga tatalakayin, isang malinaw na tanda na ang ASEAN ay nakalabas na sa dilim ng krisis pinansyal at ang larangan nito para sa pagtutulungan ay umabot na sa mas mataas na antas at mas malawak na saklaw.
Kasabay nito, nagpasya ang kapulungan na bilisan ang pagpapatupad sa Joint Declaration for a Drug-Free ASEAN na nilagdaan sa Maynila noong Hulyo 1998, sa pamamagitan ng pag-abante sa target na taon ng pagpapatupad sa ASEAN na malaya sa droga sa 2015 mula sa 2020. Sa umpisa ng taon, noong Pebrero 2000 sa Maynila, tumutok ang 2nd ASEAN Ministerial Meeting on Rural Development and Poverty Eradication sa mga programa ng mga bansang ASEAN para sa pagwawakas sa kahirapan.
Mula ika-1 hanggang ika-3 ng Agosto 2001 sa Singapore, binalikan ng 4th Meeting of the ASEAN Ministers Responsible for Social Welfare ang ASEAN Vision 2020, isang paninindigan para sa paghubog sa ASEAN bilang nagkakaisa at mapagkalinga na pamayanan, na ipinagtibay sa 2nd ASEAN Informal Summit sa Kuala Lumpur noong Nobyembre 1997. Isang malaking tagumpay ng pulong na ito ang paglalabas sa Declaration on the Commitments to Children in ASEAN, na nagbibigay ng ganap na ekspresyon sa matibay na paninindigan ng ASEAN sa pagsusulong sa pag-unlad at pangangalaga sa kabutihan ng mga kabataan sa rehiyon, kabilang ang pangangalaga sa mga karapatan ng kabataan para mabuhay at umunlad, sa pamamagitan ng pagtutulungang rehiyonal. Dagdag pa, ang paninindigang ito ng ASEAN ay gagawing hindi-mahihiwalay na bahagi ng pagpapaunlad sa kabuhayan ng mga mamamayan sa rehiyon, pagpapahusay sa pagtutulungang pang-ekonomya at kaunlarangan panlipunan sa ASEAN. Isusulong nito ang kabutihan ng mga kabataan, seguridad, at kalusugan sa pamamagitan ng pagwawakas sa kahirapan at kawalan ng tirahan, ang mga ugat ng maraming suliraning panlipunan.
Kabilang sa mga prinsipyo at inisyatibang inihain ng deklarasyon ang: (1) Pangalagaan, galangin, at kilalanin ang mga karapatan ng lahat ng kabataan, kabilang ang sa mga katutubong mamamayan, alinsunod sa mga gawi at tradisyon ng kani-kanilang pamayanan; (2) Kilalanin at isusulong ang paggalang sa mga karapatan ng bata sa pamamagitan ng pagpapalitan ng impormasyon hinggil sa karapatan ng bata ng mga kasapi ng ASEAN, nang may pagsaalang-alang sa magkakaibang relihiyon, kultural, at panlipunang pagpapahalaga ng bawat bansa; (3) Kilalanin na ang mga bata na mayroong mga ispesyal na pangangailangan ay dapat mabigyan ng mga pagkakataon para mahanap ang kanilang lugar sa lipunan at mabuhay nang nagsasarili hanggang sa maaari; (4) Lumikha ng mga pagkakataon para sa mga bata at kabataan na ipahayag ang kanilang mga pagtingin, isulong ang kanilang mga karapatan at kapakanan, at makilahok sa pag-unlad ng pamayanan; (5) Suportahan ang pagbibigay-kapangyarihan sa mga bata upang harapin at panghawakan ang mga pagkakataong bunga ng globalisasyon; (6) Lumikha ng pagkakataon para makapagtrabaho ang mga nasa-edad na kamag-anak sa mga bansang ASEAN, sapagkat ang mag-anak na matatag ay susi sa panlipunan, pisikal, at emosyonal na pag-unlad ng kabataan; (7) Magtatag ng mga programa para sa edukasyon sa pagpapamilya at suporta ng pamilya, ang mga pangunahing tagapangalaga ng mga bata, upang arugain at protektahan ang kanilang mga anak; (8) Magbigay ng angkop na pangangalaga, kabilang ang alternatibong pangangalaga ng pamilya o tirahang may pamilyal na kapaligiran, sa mga batang walang tirahan at walang pamilya; (9) Bigyang-pansin ang maagang edukasyong pambata at pangangalaga sa pamamagitan ng pagsasanay at pakikipagpanayam sa mga propesyunal ng ASEAN sa larangan ng pangangalaga ng bata hinggil sa mga pinakamabuting gawain; (10) Bigyan ang batang ASEAN ng mas magandang hinaharap sa pamamagitan ng pagpapahusay sa batayang literasya at pagsulong ng karapatan sa edukasyon, at kasanayan sa impormasyon at komunikasyon; (11) Palakasin ang mga batayang serbisyong pangkalusugan para sa kabataan; (12) Protektahan ang mga bata mula sa lahat ng porma ng karahasan, pang-aabuso, pagpapabaya, pagbebenta, at pagsasamantala sa tahanan, paaralan, at pamayanan, at protektahan mula sa armadong labanan; (13) Bigyan ng prayoridad ang mga bata sa mga operasyon para sa pagligtas at pagtulong sa panahon ng kalamidad at natural na kapinsalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng serbisyo upang maibsan ang trauma at mapabilis ang pagbabalik sa kanilang mga pamilya; at (14) Magtatag ng nakasentro-sa-kabataan na sistemang hudisyal para sa mga menor de edad na lubos na mangangalaga sa mga karapatan ng bata at magsusulong sa reintegrasyon ng mga bata sa lipunan.
Noong ika-7 ng Oktubre, 2003, ginanap ang 9th ASEAN Summit sa Bali, Indonesia. Doon, nilagdaan ng mga pinuno ng sampung bansang ASEAN ang deklarasyong nangangakong makakamit nito ang “ASEAN Community” na katulad ng European Union pagsapit ng 2020. Ang pangakong ito ay sumasagisag sa pagpasok ng ASEAN sa isang bagong yugtong pangkasaysayan ng pagtutulungan sa pulitika, ekonomya, seguridad, lipunan, at kultura, at isa ring malaking hakbang tungo sa rehiyonal na integrasyon. Ang Declaration of ASEAN Concord II, kilala rin bilang “Bali Concord II,” ay sinuportahan ng tatlong haligi ng ASEAN Security Community, ASEAN Economic Community, at ASEAN Socio-cultural Community. Binigyang-diin sa dokumento ang kooperasyon sa panlipunang pag-unlad upang mapabuti ang antas ng kabuhayan ng mga maralitang grupong panlipunan at mga populasyon sa lalawigan, laluna ang mga kababaihan, kabataan, at mga lokal na pamayanan.
Noong ika-30 ng Hunyo 2004, ginanap ang 17th ASEAN Ministerial Meeting sa Jakarta. Hinarap ng pulong ang usapin ng karahasan sa kababaihan at pinagtibay ang Declaration on the Elimination of Violence Against Women in ASEAN. Noong ika-17 ng Disyembre, ginanap sa Bangkok ang First ASEAN Plus Three (China, Japan, and Korea) Ministerial Meeting for Social Welfare and Development para talakayin ang pagpapalitan at pagtutulungan sa mga larangan ng panlipunang kabutihan sa Silangang Asya. Kasabay ng pulong na ito ang Fifth ASEAN Ministerial Meeting for Social Welfare and Development. Naglunsad ang mga kinatawan mula sa sampung kasaping estado ng ASEAN ng mga talakayan hinggil sa tema ng “pagsusulong sa pamayanan ng mga lipunang mapagkalinga.” Kinakatawan ng lipunang mapagkalinga ang antas ng sibilisasyon ng isang bansa at isa ring dakilang pantaong ideyal. Malinaw na inilalahad sa tema ng pulong na ito ang ibayong pagnanais ng mga bansang ASEAN na magtulungan tungo sa panlipunang kabutihan at kaunlaran. Sa pulong, nagpalitan ang mga ministro ng mga pagtingin sa pagtatatag ng mga lipunang mapagkalinga, at maging sa pagpapahusay sa rehiyonal na kooperasyon na alinsunod sa ASEAN Action Plan para sa panlipunan at kultural na integrasyon. Sapagkat nagpasya rin ang ASEAN na gawing sosyo-kultural na pamayanan ang rehiyon, isang layunin ay ang paglulutas sa mga karaniwang problemang panlipunan. Binanggit sa isang ulat na inilabas sa pagtatapos ng pulong na ang mga bansang ASEAN ay kumakaharap sa mga hamon sa pangangalaga sa mga karapatan at kabutihan ng kababaihan at kabataan dulot ng pagbebenta sa mga tao at prostitusyon. Dahil dito, dapat pag-ibayuhin ng mga bansa ang kanilang kooperasyon sa panlipunang kabutihan, populasyon, at pagpapaunlad sa pamilya at kabataan, upang makapaglatag ng matibay na pundasyong panlipunan sa antas ng estado para sa nagkakaisang pag-unlad. Ito ay isa pang pagsusumikap ng ASEAN para mapahusay ang bilateral at multilateral na pagtutulungan at pagsulong sa sistema ng panlipunang kabutihan.
Noong Nobyembre 2005, ginanap ang 10th ASEAN Summit sa Vientiane, Laos, na may temang “Advancing a Secure ang Dynamic ASEAN Family through Greater Solidarity, Economic Integration and Social Progress.” Sa summit na ito, nagpatibay ang mga pinuno ng ASEAN ng dalawang dokumento, ang ASEAN Socio-Cultural Community Plan of Action at ang ASEAN Security Community Plan of Action. Nangako ang mga kasaping estado na palalimin ang integrasyon sa lahat ng mga larangan ayon sa mga prayoridad na minumungkahi sa mga dokumento at pabilisin ang proseso ng integrasyon sa ASEAN na sinusuportahan ng tatlong haligi ng pang-ekonomya, kultural, at panseguridad na integrasyon. Nilayon ng ASEAN Socio-cultural Community Plan of Action na palalimin ang panlipunan at kultural na integrasyon sa rehiyon. Itinala ang panlipunang kabutihan at pag-unlad bilang prayoridad, kasama ang pagtataas sa antas ng kabuhayan ng mga maralitang minoridad, pagbawas sa krisis panlipunang kinakaharap ng kababaihan, kabataan, may-edad, at may-kapansanan, at nananawagan sa mga pamilya, ordinaryong mamamayan, at pribadong sektor na makipagtulungan sa paglulutas sa mga problema ng kahirapan at panlipunang kabutihan, para sa pagpapatupad ng isang pamayanan ng mga lipunang mapagkalinga at sosyo-kultural na integrasyon sa ASEAN. Muling nanindigan ang mga pinunong nagsipagdalo sa kanilang determinasyon na paliitin ang “development gap” sa loob ng ASEAN, bawasan ang kahirapan at di-pagkakapantay-pantay, at magtayo ng mga lipunang mapagkalinga. Nilagdaan din nila ang ASEAN Declaration Against Trafficking in Persons Particularly Women and Children.
Pagbubuo ng Kultura, Pag-unlad ng Turismo, at Personal na Palitan
Ang epekto ng tropikal na klima, di-makatwirang pagsasamantala, at iligal na kalakalan, ang mga mapang-asimilang epekto ng globalisasyon, at ang negatibong epekto ng biglaang pagbabagong panlipunan, ay nagbunga ng kultural na kawalan sa mga bansang ASEAN sa paglahong parang bula ng mga tradisyonal na kaugalian at pagkawala ng mga mahahalagang sinaunang arkitektura. Natanto ng ASEAN na ang oryentasyong pampamilihan ng modernong lipunan, na unti-unting pinangingibabawan ng produksyong pang-maramihan at konsumerismo, ay nagdadala ng mga negatibong salik na mapanira sa dignidad ng tao, kalayaan, pagkamalikhain, katarungang panlipunan, at kapayapaan. Sanhi ng mga kadahilanang pang-ekonomya at teknikal, natanto ng ASEAN na ang pangangalaga sa pamanang kultural ay hindi magagawa ng estadong nag-iisa. Dahil dito, nananawagan ito para sa kulektibong pagsusumikap ng lahat ng mga kasaping estado ng ASEAN at sa tulong ng pamayanang internasyunal. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at mahigpit na pagtutulungan, inaasahan ng ASEAN na magkaroon ng malaking pag-unlad sa pangangalaga at pagsasapubliko ng pamanang kultural at mga karapatang kultural.
Noong Hulyo 2000, nilagdaan ng sampung ministrong panlabas ng ASEAN ang ASEAN Declaration on Cultural Heritage sa 33rd ASEAN Ministerial Meeting. Isinaad sa deklarasyon na ang sampung bansang ASEAN ay “may pagsasaalang-alang sa malawak na rekursong kultural at mayamang pamana ng mga sibilisasyon, ideya, at mga sistema ng pagpapahalaga ng ASEAN, at kinikilala ang pangangailangan para protektahan, pangalagaan at isulong ang kanila kasiglahan at integridad; at lubos na kinikilala na ang kultural na pagkamalikhain at pagkakaiba ang gumagarantya sa pagpapatuloy ng mga lipunang ASEAN sa huling banda… Kinikilala nila ang mga aspirasyon ng lahat ng mga mamamayang ASEAN para sa rehiyonal na kaayusan na nakabase sa pantay-pantay na karapatan sa mga oportunidad pangkultura, pantay-pantay na partisipasyon sa kultural na pagkamalikhain at pagpapasya, at malalim na paggalang sa pagkakaiba-iba ng mga kultura’t identidad sa ASEAN, nang walang pinipili anuman ang pagkamamamayan, lahi, etnisidad, kasarian, wika o relihiyon.”
Binigyang-kahulugan ng deklarasyon ang “kultura” at “pamanang kultural” sa ganitong paraan: “Ibig sabihin ng kultura ang buong kompleks ng mga katangi-tanging ispiritwal, intelektwal, emosyonal at materyal na mga katangiang kumakarakterisa sa isang lipunan o grupong panlipunan. Kinapapalooban ito ng sining at panitikan at maging ng mga paraan ng pamumuhay ng tao, mga sistema ng pagpapahalaga, pagkamalikhain, mga sistema ng kaalaman, tradisyon, at paniniwala.” Ibig sabihin naman ng pamanang kultural ang mga makabuluhang pagpapahalagang kultural at konsepto; mga istruktura at artifact; mga lugar at tirahan ng tao; pamanang oral o pantaong-bayan, kabilang ang mga kaugalian, kwentong-bayan, wika at panitikan, tradisyunal na sining at gawang-kamay, arkitektura, mga palabas, mga laro, mga katutubong sistema ng kaalaman at kaugalian, mito, gawi at paniniwala, mga ritwal at iba pang nabubuhay na tradisyon; ang nakasulat na pamana; at popular na pamanang kultural.
Naglinaw ang deklarasyon ng balangkas para sa kooperasyon sa labinglimang aspeto, na ang mga pangunahin ay ang sumusunod:
1. Ang ASEAN at mga kasaping bansa ay dapat magtulungan sa pangangalaga sa pamanang kultural ng ASEAN. Pangunahing tungkulin ng bawat kasaping bansa ng ASEAN na tukuyin, ilarawan, protektahan, pangalagaan, isulong, paunlarin, at ipasa sa mga darating na henerasyon ang makabuluhang pamanang kultural sa loob ng sarili nitong teritoryo at makinabang sa rehiyonal at internasyunal na tulong at kooperasyon, kung kinakailangan at nararapat. Samantalang may lubos na paggalang sa soberenya ng bawat bansa at pambansang karapatan sa pagmamay-ari, kinikilala ng ASEAN na ang pambansang pamanang kultural ng mga kasaping estado ay bumubuo sa pamana ng Timog-silangang Asya na tungkulin ng ASEAN, sa kabuuan, na tumulong sa pangangalaga.
2. Pagprotekta sa mga pambansang yaman at pagmamay-aring kultural. Ang ASEAN ay makikipagtulungan sa pangangalaga sa mga antikwidad at mga gawang may pangkasaysayang halaga, naigagalaw at di-naigagalaw na pagmamay-aring kultural na kumakatawan sa pambansang kasaysayan, may malaking istruktural at arkitektural na halaga, natatanging arkeolohikal, antropolohikal, o halagang syentipiko, o nauugnay sa mga kakaibang pangyayari at nararapat kilalanin o ideklara bilang National Treasures and Protected Buildings or Protected Artifacts. Ang mga lugar na makasaysayan, kultural na tanawin, magagandang tanawin, at pambansang monumento ay tutukuyin, kikilalanin, at pangangalagaan. Ang mga kasaping bansa ng ASEAN ay gagawa ng mga kinakakailangang hakbang para pangalagaan ang pamanang kultural laban sa lahat ng mga kapinsalaan mula sa tao at kalikasan, kabilang ang mga kapahamakang dulot ng armadong labanan, okupasyon ng mga teritoryo, at iba pang mga publikong kaguluhan.
3. Pagsustena sa mga karapat-dapat na tradisyong buhay. Magtutulungan ang mga kasaping bansa ng ASEAN na panatiliin at pangalagaan ang mga buhay na tradisyon at kaugalian at pangalagaan ang kanilang mga nabubuhay na tagadala bilang pagkilala sa karapatan ng mamamayan sa sarili nilang kultura; pangalagaan, isulong, at suportahan ang mga karapat-dapat at ibayong malikhaing buhay na tradisyon sa loob ng balangkas ng pambansa, rehiyonal, panlipunan, kultural, at pang-ekonomyang pagpapaunlad; magdisenyo ng mga programa para sa pag-aaral sa mga buhay na tradisyon, na nagbibigay-diin sa dignidad at dunong ng mga tradisyong ito at pagtaguyod sa pagkakaibang malikhain at alternatibong pagtingin at pagpapahalaga sa daigdig.
4. Pagpreserba sa nakalipas at nagpapatuloy na pamanang kultural na may pagkapaham, makasining at intelektwal. Ang mga obra at gawa ng mga malalim na tradisyon ng mga kilalang pantas, pilosopo, artista, at manunulat ng nakaraan at kasalukuyan ay dapat magsilbing mga panghabang-panahon na sulo ng kaalaman at kaliwanagan, mga pinagmumulan ng gabay at direksyon para sa kasalukuyan at darating na mga mamamayang ASEAN. Ang pangangalaga, dokumentasyon, preserbasyon, at pagsusulong ay nasa pinakamataas na prayoridad.
5. Preserbasyon sa nakaraan at nagpapatuloy na popular na pamanang kultural at tradisyon. Ang mga popular na porma ng ekspresyon sa mga kulturang masa ay bumubuo ng isang mahalagang makasining, intelektwal, sosyolohikal, antropolohikal, syentipiko, at pangkasaysayang rekurso at basehan para sa panlipunan at interkultural na pagkakaintindihan. Susuportahan at tatangkilikin ng ASEAN ang preserbasyon ng mga katangi-tanging “popular” na tradisyon at pamana.
6. Pagpapahusay sa kultural na palitan at pagpapalalim sa pagkakaintindihan ng iba’t ibang kultura. Noong ika-12 ng Agosto 2000 ginanap ang 9th ASEAN Youth Day sa Yangon para talakayin ang mga paksa tulad ng kung paano palalawigin ang papel ng kabataan, pagpapatuloy sa mga pambansang tradisyong kultural, at paghahanda para sa 3rd ASEAN Ministerial Meeting on Youth.
Ang pagsulong sa turismo ng bawat bansang ASEAN ay mahalagang bahagi ng kultural na pag-unlad ng rehiyon at isa ring mahalagang paksa sa rehiyonal na kooperasyon ng ASEAN sa mga nakaraang taon. Dahil dito, ang Cambodia, isang bansang mayaman sa mga rekursong panturismo at pamanang pangkasaysayan at kultural, ang nagsilbing punong-abala sa tatlong pulong ng ASEAN hinggil sa transnasyunal na turismo. Ang 14th ASEAN Tourism Conference ay ginanap sa Phnom Penh mula ika-12 hanggang ika-13 ng Hulyo 2001. Tinalakay sa kumperensya ang pagpapatupad sa isang istratehiyang panturismo ng ASEAN, pagtatatag ng websayt para sa turismong ASEAN, pagsusulong ng mga proyekto para sa turismong ASEAN, pagpapasigla sa internasyunal at intra-ASEAN na turismo, paghihimok sa pribadong sektor na mag-organisa ng mga gawain na maaaring sumulong sa istratehiyang panturismo ng ASEAN, at iba pa. Noong ika-4 hanggang ika-5 ng Nobyembre, nilagdaan ng mga pinuno ng ASEAN ang ASEAN Tourism Agreement sa 8th ASEAN Summit; ang tema ng kasunduan ay ang ibayong pagpapasigla sa turismong ASEAN.
Noong ika-21 hanggang ika-27 ng Enero 2003, sa 22nd ASEAN Tourism Forum sa Phnom Penh, ang sampung ministrong panlabas ng ASEAN ay naglabas ng nagkaisang pahayag na sumusuporta sa pagpapahigpit sa kaligtasan ng turismong ASEAN. Binigyang-diin ng pahayag na ang mga ministrong panlabas ay malapit na makikipagtulungan sa mga kinauukulang institusyong pampamahalaan, magpapahigpit sa mga hakbanging panseguridad sa mga paliparan, daungan, at mga lugar panturismo, at sama-samang magbabantay at lalaban sa terorismo upang lumikha ng ligtas na kapaligirang panlakbay para sa mga turista. Nagkasundo ang mga ministro na magtayo ng websayt ukol sa seguridad panturismo na magbibigay ng tama at napapanahong impormasyon hinggil sa seguridad panturismo sa publiko, mass media, at mga pamahalaan ng ibang bansa. Nagkasundo rin sila na ipatupad ang Mutual Abolition of Visa Requirements pagsapit ng 2005.
Noong ika-24 hanggang ika-28 ng Hulyo 2006, ginanap ang 39th ASEAN Ministerial Meeting sa Kuala Lumpur. Ang pangunahing tagumpay ng pulong na ito ay ang paglagda sa ASEAN Framework Agreement on Visa Exemption. Ayon sa kasunduang ito, ang mga mamamayan ng mga kasaping estado ay maaaring magsagawa ng malayang transnasyunal na pagbibiyahe sa rehiyon sa loob ng 14 na araw nang hindi nangangailangan ng bisa. Isa rin itong mahalagang hakbang tungo sa rehiyonal na integrasyon at rehiyonal na integrasyong pang-ekonomya.
Sa katunayan, mayroong ilang bilateral na kasunduan sa kabilaang abolisyon ng pangangailangan sa bisa sa pagitan ng mga bansang ASEAN, na pumapahintulot sa mga mamamayan ng bansang katratado na magsagawa ng maiikling pagbisita sa isa pang bansang tratado nang walang bisa. Ang taning na panahon sa ilang mga bansa ay maaaring umabot nang isang buwan. Subalit ang napakaraming kasunduang bilateral ay nakakalito para sa mga manlalakbay. Ang bagong balangkas na kasunduan ay naglayong regulahin ang mga kasunduang bilateral na ito. Batay sa balangkas, ang mga bansa ay maaaring gumawa ng mga pagbabago ayon sa kanilang pangangailangan.
Sa kabuuan, ang mga mas mayayamang bansa ang may mas mahigpit na kontrol sa bisang papasok para sa mga mamamayan mula sa mga di-kasing-unlad na bansa. Gayunpaman, naiiba sa ASEAN, kung saan ang Myanmar ang may pinakamahigpit na rekisitos para makakuha ng bisa. Maliban sa mga mamamayan ng Pilipinas, hinihingi ng Myanmar ang lahat ng mga bisita mula sa ibang mga bansang ASEAN na magkaroon ng bisa. Ito ay sapagkat ang pamahalaang militar ng Myanmar ay napakaraming agam-agam hinggil sa panlabas na mundo. Dahil dito, ang pagpayag ng ministrong panlabas ng Myanmar na lumagda sa kasunduan ay tanda ng malaking pag-unlad sa pagsasakatuparan ng ganap na kalayaan sa pagbibiyahe para sa mga transnasyunal na turista sa loob ng mga bansang ASEAN. Isa pang di-inaasahang bansa na lumagda sa kasunduan ay ang Laos. Ang di-gaanong-bukas na bansang ito ay mayroong kabilaang kasunduan ng abolisyon ng bisa sa ilang mga bansa, subalit nagpakita ito ng ibayong kagustuhan, sa pulong na ito, na pumaloob sa ASEAN.
Malinaw na ang kasunduang ito ay maghahatid ng malaking benepisyo sa rehiyonal na turismo. Ang pinakamahalaga ay, sa pakikipagkumpetensya sa dalawang lumalaking pang-ekonomyang higante na Tsina at India, kinakailangan ng ASEAN na bilisan ang proseso ng integrasyon upang magpatuloy bilang nagkakaisang kabuuan. Ang pagbabawas sa mga restriksyon sa bisa at pagsuporta sa mobilidad ng mga tao ay makatutulong sa pagpapahigpit ng mga ugnayang pang-negosyo sa pagitan ng mga bansang ASEAN. Gaya ng sinabi ni Syed Hamid Albar, kasalukuyang Tagapangulo ng ASEAN at Ministrong Panlabas ng Malaysia, ang kahulugan ng kasunduan ay ang pagsulong sa pagkakaisang ASEAN, paglikha ng mas maginhawang kalagayan para sa mga mamamayan ng mga bansang ASEAN na makapagbiyahe nang malaya, magbigay ng pakiramdam ng pakikiisa sa bawat mamamayan ng mga bansang ASEAN, at mapabilis ang pagsasakatuparan ng Pamayanang ASEAN sa 2020. [Isinalin mula sa Ingles ni Sofia Guillermo]
Kyoto Review of Southeast Asia Issue 10 (August 2008)
Si Wang Xinsheng ay Propesor sa Southeast Asian Research Institute ng Zhongshan University. Ang artikulong ito ay unang lumabas sa Around Southeast Asia 2007, blg. 3. Isinalin ito para sa KRSEA ni Cao Ting.
Kyoto Review of Southeast Asia
Issue 10 (August 2008)
© Center for Southeast Asian Studies, Kyoto University
KYOTO REVIEW OF SOUTHEAST ASIA GRATEFULLY ACKNOWLEDGES THE SUPPORT OF THE TOYOTA FOUNDATION.
Designed and developed by SQUEAKYSTUDIOS for CSEAS
click to download PDF