Ang Suliranin ng mga Tsino sa Ibayong-dagat sa Relasyong Tsino-Burmes: Pananaw mula sa mga Dokumentong Deklasipikado ng Ministro ng Ugnayang Panlabas ng Tsina


Fan Hongwei

volume 10

THIS ISSUEKyotoreviewvol10.htmlhttp://www.kyotoreviewsea.org/Issue_10/TOC.htmlshapeimage_1_link_0
CSEAShttp://www.cseas.kyoto-u.ac.jp/index_en.htmlhttp://www.cseas.kyoto-u.ac.jp/index_en.htmlshapeimage_2_link_0

NEWS

ARCHIVESArchives.htmlhttp://livepage.apple.com/shapeimage_3_link_0

PDF

COMMUNITYhttp://www.kyotoreviewsea.org/cmshttp://www.kyotoreviewsea.org/cms/shapeimage_4_link_0
 


Ang usapin ng Tsino sa ibayong-dagat ay mahalagang tema sa relasyon sa pagitan ng Tsina at mga bansa sa Timog-silangang Asya noong panahon ng “Cold War.”  Bagamat idineklasipika ng Ministro ng Ugnayang Panlabas ang mga kaugnay na dokumento mula sa dekada 1950 noong Enero 2004 at Mayo 2006, ang mga ito ay hindi nasulit ng mga iskolar na Tsino na nag-iispesyalisa sa pag-aaral sa Tsino sa ibayong-dagat at araling Timog-silangang Asya.  Ang sanaysay na ito, na nakabase sa mga bagong-deklasipikadong dokumento, ay nagbabalik-tanaw sa suliranin ng Tsino sa ibayong-dagat sa relasyong Tsino-Burmes (kabilang ang mga usapin ng pagkamamamayan, pulitika, pang-ekonomyang papel at mga relasyong etniko).


Ang relasyong Tsino-Burmes sa maagang bahagi ng pagkakatatag ng diplomatikong relasyon sa pagitan ng dalawang bansa (1950-1953)


Nagtatag ng diplomatikong relasyon ang Burma sa Tsina noon pang ika-8 ng Hunyo 1950, at sa gayo’y naging kauna-unahang di-sosyalistang bansa na kumilala sa People’s Republic of China (PRC).  Sa kabila nito, ang relasyong bilateral ay nagkaroon ng mabagal na pag-unlad sa panahong ito dahil sa kakulangan ng tiwala ng magkabilang panig.  Ang mga pinunong Burmes na kakapanalo lamang ng pagsasarili at pinangingibabawan ng matinding nasyonalismo ay takot sa bagong Tsina.  Ayon sa isang ulat na isinumite ng Embahada ng Tsina sa Burma sa Ministro ng Ugnayang Panlabas ng Tsina, “Walang pagpapahalagang ipinakita ang pamahalaang Burmes sa ating pagdiriwang ng Pambansang Araw at nagtangkang hadlangan ang aming mga gawain sapagkat alam nila na panghahawakan natin ang pagkakataong ito upang palawakin ang ating impluwensyang pulitikal, bagamat hindi nila ito mapipigil.  Halimbawa, noong kinonsulta namin sila tungkol sa mga panauhing Burmes na aanyayahan sa darating na salu-salo, tumanggi silang magbigay ng mga pangalan at maingat na pinag-aralan ang listahan ng mga dadalo.  Nagkaroon din ng mga balakid sa pagpili ng lugar na pagdarausan ng pagdiriwang at sa pagpapalamuti sa lugar…Lubha ang pagnanais nilang masagap ang ating mga intensyon sa pamamagitan ng mga pagdiriwang na ito.” [1]


Sa ilang mga pagkakataon, lantad din ang pagsasaad ng mga pinunong Burmes sa kanilang mga hinala at takot sa Tsina.  Minsan ay sinabi ni Punong Ministro U Nu na “inaamin ko, bago ang pagdalaw ni Premiyer Zhou Enlai sa Rangoon ay may magkabilang paghinala sa pagitan ng ating mga mamamayan.  Sa panig ng Burmes, maraming mamamayan ang nangangambang ang PRC ay maglalagay ng mga sagabal para sa pamahalaang Burmes, samantalang sa panig naman ng Tsina ay malaki ang pagdududa nito sa Burma bilang tunay na nagsasariling bansa o kung piyon ito ng UK o ng US.” [2]  Noong 1954, sinabi ni Sao Shwe Thaik, pinuno ng senado ng parlyamentong Burmes, kay Zhou Enlai, ang panauhing premiyer ng Tsina, na “ang mga naninirahan sa hilagang bahagi ng Burma ay nababagabag sa pagkakaroon doon ng mga tropang Kuomintang (KMT), nangangamba sa maaaring maganap na sagupaang militar sa pagitan ng pamahalaang PRC at KMT sa Burma… Bilang isang maliit na bansa, kinakailangan ng Burma na magtatatag ng mabuting relasyon sa mga kapitbahay nito.” [3]  Noong Disyembre 1957, sa kanyang pakikipagkita kay Mao Zedong, inamin ni U Kyaw Nyein, ang Pangalawang Punong Ministro ng Burma, na “bago ang pagdalaw ni Punong Ministro U Nu sa Tsina at ang kanyang pakikipagkita kay Chairman Mao, totoong takot ang Burma sa Tsina sapagkat ang Burma ay maliit na bansa samantalang ang Tsina ay malaki.” [4]


Matapos nitong makuha ang pagsasarili, nagpatupad ang Burma ng nyutral na patakarang panlabas.  Noong unang mga taon matapos ang pagkakatatag ng diplomatikong relasyon sa Tsina, naging napakaingat ng Burma, umiiwas sa pagpapagalit sa blokeng Kanluranin dulot ng pagiging malapit sa Tsina at mapasamâ sa Tsina dulot ng pagiging malapit sa Kanluran.  Sa isang deklasipikadong dokumento ng Ministro ng Ugnayang Panlabas, inanalisa ang patakarang panlabas ng Burma sa ganitong paraan: Sa isang banda, bilang malapit na kapitbahay ng Tsina, “hindi nais ng Burma na maging kaaway ng Tsina sanhi ng paghingi ng proteksyon sa kampong imperyalista.  Kung magkaroon man ito ng tunggalian sa mga kapangyarihang imperyalista, nais nitong maasahan ang tulong ng Tsina at Unyong Sobyet.”  Sa kabilang banda, “bagamat ang naghaharing uri ng Burma ay may matinding pagnanais para sa pagsasarili, mayroon itong mga di-mapapatid na kuneksyon sa mga kapangyarihang imperyalista, at malaki ang pagsandig sa mga ito.  Samakatwid, sa usapin ng diplomasya, hindi pa kayang iwaksi ng Burma ang impluwensya ng Kanluran.[5]


Ang matamlay na relasyon sa pagitan ng Burma at Tsina ay nagkaroon ng mga malinaw na manipestasyon bago ang pagdalaw ni Zhou Enlai noong 1954.  Halimbawa, sa kanyang pakikipagkita kay Yao Zhongming, embahador ng Tsina sa Burma, sinabi ng ministrong panlabas ng Burma na hindi tama ang pagbibitiw ng embahador ng mga salitang tumutuligsa sa imperyalismong Amerikano sa mga pagtitipon ng mga Tsino sa Burma, at iminungkahi na maging maingat si Yao sa kanyang pananalita upang makaiwas sa gulo. [6]  Noong ika-18 ng Oktubre 1951, inilathala ng Yunnan Daily ang “The Burmese Struggle for World Peace” ni Thakin Lwin, ang pinuno ng Burma Conference to Defend World Peace.  Sa artikulong ito, sinabi niya na “ ang imperyalismong Amerikano, sa ilalim ng tumataginting na ngalan ng ‘ayudang pang-ekonomya’ ay nagpalawak at nagtayo ng mga paliparan sa maraming dako ng Burma” at “nagtatangka ang Estados Unidos na gamitin ang Burma upang magsagawa ng mga pananabotahe sa Republikang Bayan ng Tsina, ang nangunguna sa digmaan laban sa imperyalismo.”  Itinanggi ang lahat ng ito ng panig ng Burmes at muling iginiit ang nyutral nitong patakarang panlabas ng pagiging mabuting kapitbahay [7], at humingi sa ministrong panlabas ng Tsina na maglathala ng artikulo sa Yunnan Daily na magwawasto sa maling mensahe. [8]


Ang hidwaan sa pagitan ng Tsina at Burma noong unang mga taon matapos ang pagkakatatag ng ugnayang diplomatiko ay maiuugat sa dalawang kadahilanan: una, ang paninibago at ang magkabilang-panig na paghinala ng mga bagong liderato ng dalawang bansa; pangalawa, ang usapin ng mga Tsino sa Burma; pangatlo, ang malabong usapin ng hangganang pambansa; pang-apat, ang mga tropang KMT sa rehiyong Gintong Tatsulok sa hilagang Burma; panglima, mga kadahilanang heopolitikal at pangkasaysayan; pang-anim, ang “Cold War.”  Matapos lamang ang pagdalaw ni Zhou Enlai noong Hunyo ng 1954, nang pinagkasunduan ng dalawang bansa ang Limang Prinsipyo ng “payapang pakikisama,” umunlad nang mabilis ang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.  Matapos ito, naglunsad ang magkabilang panig ng mga konsultasyon at pagpapalitan ng kuru-kuro hinggil sa mga usaping may kinalaman sa dalawa.  Ipinalagay ni G. William Skinner, isang iskolar na Amerikano na, matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Tsina at Timog-silangang Asya ay may apat na usaping kinailangang harapin hinggil sa mga Tsino sa ibayong-dagat: ang dominanteng papel ng mga Tsino sa mga sektor na di-agrikultural sa mga ekonomya ng Timog-silangang Asya; ang edukasyon ng mga Tsino sa ibayong-dagat; ang ligal na identidad at dalawahang-pagkamamamayan ng mga Tsino sa ibayong-dagat; at integrasyong pulitikal ng mga Tsino sa mga bagong-nagsasariling bansa sa Timog-silangang Asya.[9]  Noong dekada 1950, upang maibsan ang pagkabahala at paghinala ng Burma sa usapin ng mga Tsino, kumilos ang pamahalaang Tsino batay sa mga usaping nabanggit ni G. William Skinner.


Ang usapin ng pagkamamamayan ng mga Tsino sa ibayong-dagat


Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa pagkakatatag ng PRC, ang pagsasarili ng mga bansa sa Timog-silangang Asya, at ang simula ng “Cold War,” kinailangan ng Tsina, sa pagpapaunlad ng relasyong diplomatiko sa mga bansang Timog-silangang Asyano, na harapin ang di-maiiwasang usapin ng paglilinaw sa pagkamamamayan ng mga Tsinong naninirahan sa mga bansang ito.  Sa konteksto ng “Cold War,” ang mga Tsino sa mga bagong-luwal na nasyonalistang bansa ay naging biktima ng mga nasyonalistang damdamin at ideolohikal na pagkiling.  Hinusgahan ng mga bansa sa Timog-silangang Asya ang katapatan ng mga Tsino batay sa kanilang pagkamamamayan, laluna ang dalawahang-pagkamamamayan na hawak ng ilan.  Ito ang dahilan kung bakit nagsumikap ang pamahalaang Tsino na iwaksi ang hinala ng mga bansa sa Timog-silangang Asya na ang mga Tsino sa ibayong-dagat ay tumatayong “fifth column” ng Tsina.  Sa unang bahagi ng dekada 1950, mayroong 350,000 na Tsinong naninirahan sa Burma.  Ayon sa Batas sa Pagkamamamayan ng dalawang bansa, 260,000 sa mga ito ay may dalawahang-pagkamamamayan, 74% ng kabuuan.  Kung hindi ito haharapin nang maayos, ang usapin ng kanilang pagkamamamayan ay magkakaron ng negatibong epekto sa relasyon sa pagitan ng dalawang bansa at maging sa kanilang buhay sa bansang kinaroonan.


Sa kanyang pakikipagkita sa Embahador ng Burma sa Tsina sa unang araw ng Agosto 1950, nagtanong si Zhou Enlai hinggil sa relasyon sa pagitan ng mga Tsinong ikinasal sa mga Burmes at ang pagkamamamayan ng mga mag-asawang Tsino sa Burma. [10]  Unang dumalaw si Punong Ministrong U Nu sa Tsina noong Disyembre 1954.  Matapos ang pagpupulong, nagkasundo ang dalawang panig na “hinggil sa pagkamamamayan ng mga Tsino sa Burma, ang dalawang pamahalaan ay magsasagawa ng mga konsultasyon sa pamamagitan ng mga diplomatikong daluyan sa lalong madaling panahon.” [11]  Noong ika-13 ng Oktubre 1955, tinanong ni U Hla Maung, ang Embahador ng Burma sa Tsina, kung papayagan ng Tsina na bitawan ang pagkamamamayang-Tsino ng mga nakakamit ng pagkamamamayang-Burmes.  Handa ang Burma na makipagnegosasyon sa Tsina sa usapin ng dalawahang-pagkamamamayan. [12]  Di nagtagal, matapos ang ilang pag-aaral at talakayan, naghain ang Tsina ng opisyal na komunikasyon at handang tanggapin ang mungkahi ng Burma. [13]  Subalit agad na nagbago ng pusisyon ang Tsina sa paniniwalang ang pamahalaang Burmes ay naglalayong “magkaroon muna ng parsyal na kasunduan, na ang batayan ay magbibigay ng pagkalamang sa panig ng Burma sa pagdedesisyon kung ang mga negosasyong magwawakas sa usapin ng pagkamamamayan ng mga Tsino ay sisimulan o patatagalin pa, depende sa kung alin ang pabor sa kanila.” [14]  Dahil dito, walang isinagot ang Tsina sa mungkahi ng Burma at hindi ito nakipagnegosasyon.  Sa kabila nito, positibo ang ipinakitang pagtingin ng Tsina sa mga Tsino na kumuha ng pagkamamamayang Burmes, sa paniniwalang “sapagkat ang pagkakaroon ng pagkamamamayang Burmes ng mga Tsino ay makabubuti sa ating bansa sa usaping pulitikal at pang-ekonomya, dapat magpatupad ng patakarang mag-eenganyo sa maraming Tsino na yumakap sa pagkamamamayang Burmes.” [14]  “Lubhang makabubuti sa atin kung ang mga Tsino ay magkakaroon ng pagkamamamayang-Burmes.” [13]


Sa isang pakikipagkita sa Embahador ng Burma sa Tsina noong ika-22 ng Hunyo 1956, sinabi ni Premiyer Zhou Enlai na “Ang batayang prinsipyo ng Tsina ay pabor sa mas maraming Tsino na isinilang sa ibayong-dagat at nais manirahan doon na yumakap sa pagkamamamayan ng mga bansang iyon.” [15]  Ibig sabihin nito’y tinanggap ng Tsina ang paggawad ng Burma ng pagkamamamayan sa mga Tsinong naninirahan doon.  Sa pagsalubong na pagtitipong inorganisa ng mga Tsinong naninirahan sa Burma noong ika-18 ng Disyembre 1956, idiniin ni Zhou Enlai sa kanila at sa mga Burmes na ikinalulugod niya na “ang ilang mga Tsino na matagal nang naninirahan sa Burma ay naging mga Burmes sa pamamagitan ng pagtamo ng pagkamamamayang Burmes... Hangga’t kusa ang desisyong ito, sa pahintulot ng lokal na batas, at nakamit ang pagkamamamayan ng bansang tinitirahan nila, hindi na sila itinuturing na mamamayan ng Tsina.” [16]


Bagamat hindi nagkaroon ng pagkakasundo hinggil sa dalawahang-pagkamamamayan ng mga Tsino sa ibayong-dagat, malinaw na isinasaad ng mga pangungusap ni Premiyer Zhou Enlai sa Rangoon noong 1956 na hindi lamang nirerespeto at kinikilala ng Tsina ang katotohanang may mga Tsino na matagal nang naninirahan sa Burma, kundi ay hinihimok yaong mga sapat nang tagal ang paninirahan sa Burma na maging mga mamamayan ng Burma, at tutol ito sa dalawahang-pagkamamamayan.  Sa simula ng dekada 1950, mayroong mga 140,000 Burmes na ang mga magulang ay Burmes at Tsino, samantalang ang mga pinanganak sa Burma mula sa mga naunang henerasyon ng Tsino na nanirahan doon ay umabot sa may 80,000.  Awtomatikong ginawaran ng Burma ang mga 220,000 na ito ng pagkamamamayang Burmes.  Sinuportahan at pinayagan din sila ng Tsina na maging mamamayang Burmes.  Ang grupong ito ay umiidentipika rin sa mga lokal na pamayanan.  Minsan ay binanggit ni U Min Thein, dating Embahador ng Burma sa Tsina, na “mukhang tinitingnan ng mga taong ito ang sarili nila bilang Burmes.  Nang iparehistro ng pamahalaang Burmes lahat ng mga dayuhan, hindi sumipot ang mga ito.  Totoong hindi nila ginagamit ang kanilang mga pangalang Tsino sa Burma… Sa Burma ay maraming mga naninirahang nagmula sa Guangdong at Fujian.  Tinitingnan sila ng mga Burmes bilang mga kapwa Burmes, samantalang tinitingnan sila ng mga Tsino bilang mga Tsino.  Sa katunayan, ang kanilang mga asawa’t ina ay Burmes.” [17]  Bago nito, bagamat mayroong humigit kumulang na 260,000 Tsino sa Burma na ipinapalagay na humahawak ng dalawahang-pagkamamamayan matapos ang pagsasarili ng Burma, 85% nito ay naresolba ang suliranin ng pagkamamamayan salamat sa kasunduan ng Tsina at Burma hinggil sa pagkamamamayan ng mga Tsinong may mga magulang na Burmes at ng mga Tsinong isinilang sa Burma mula sa mga sinaunang migranteng Tsino, at maging sa sariling-identipikasyon ng mga ito.


Makabuluhan para sa dalawang bansa na magkaroon ng konsensus sa pagkamamamayan ng mga Tsino sa Burma.  Subalit higit pang mahalaga na malutasan ang mga usapin ng pulitikal na identipikasyon at pang-ekonomikong papel ng mga Tsinong nagpalit ng pagkamamamayan upang mapawi ang paghihinala ng pamahalaang Burmes sa mga Tsino bilang mga piyon ng pulang Tsina.


Ang pulitika ng mga Tsino sa Burma


Noong panahon ng “Cold War,” ang mga Tsino sa mga bansa ng Timog-silangang Asya ay tiningnan bilang “fifth column” ng Tsina para sa impiltrasyon at pagpapalawak.  Kadalasan, ang mga Tsino sa ibayong-dagat ay naging target ng nasyunalismo at ideolohiya.  Ang pamahalaang Burmes ay lubhang nabahala sa pakikisangkot ng mga Tsino sa pulitika nito, sa pangambang pagsasamantalahan ito ng pamahalaang Tsino para makialam sa mga internal na usapin ng Burma.


Sa kanyang pakikipagkita kay Zhou Enlai, itinaas ni U Ba Swe, Embahador sa Tsina, ang usapin ng pagsuporta ng mga Tsino sa mga kandidato mula sa National Front sa halalan.  “Nakikipagnegosyo sila sa mga kasosyong Burmes at iginugugol ang bahagi ng kanilang kita sa pagsuporta sa halalan.  Sa kampanya, ang mga kandidato ng National Front ay maaaring makakuha ng pinansyal na tulong mula sa mga Tsino sa Burma sa pamamagitan lamang ng liham ng pagpapakilala.”  Sinagot ni Zhou Enlai na “ang pusisyon ng Tsina ay ang mga Tsinong naninirahan sa ibang bansa subalit walang pagkamamamayan sa mga nabanggit na bansa ay walang karapatang makisangkot sa mga lokal na gawaing pulitikal… Paninindigan namin ito.  Kung ang mga Tsino na hindi mamamayang Burmes ay nasasangkot sa mga binabanggit mo, susuportahan namin ang pamahalaang Burmes sa pagpigil sa kanila.  Sa madaling salita, pareho ang pusisyon namin sa pamahalaang Burmes.  Mali ang akala ng pamahalaang Burmes na pinapanigan namin ang mga Tsino sa Burma.  Sa usapin naman ng pagtutulungan sa kalakal ng mga Tsino at Burmes at kung paano nila ginagastos ang kanilang salapi, may karapatan ang pamahalaang Burmes na imbestigahin ito.”  Matapos ang pagpapalitan ng pananaw at pagsusumikap mula sa panig ng Tsina, sinasabi na si U Nu ay “tumuligsa, sa ilang pagkakataon, sa mga paratang laban sa Tsina bilang walang basehan.”  Mula noon ay hindi na muling binanggit ang usaping ito. [19]


Noong 1960, sinabi ng dating Punong Ministro U Ba Swe kay Zhou Enlai na “sa kampanya para sa pangkalahatang halalan ng 1960, nagbigay ng pinansyal na suporta ang mga makakaliwang Tsino sa Burma sa paksyong ‘Clean’ ng AFPFL na nagkalat ng salapi.  Sana ay may magawa ang Inyong Karangalan para mawakasan ito.  Ang mga pinuno ng paksyong ‘Clean’ ng AFPFL sa buong Burma ay personal na humingi ng pinansyal na tulong mula sa mga negosyanteng Tsino at hindi nag-atubili ang mga ito na magbigay.”  Sagot ni Zhou Enlai na “Ang pamahalaang Tsino ay may malinaw na patakaran na ang mga Tsino na walang pagkamamamayang Burmes ay hindi maaaring makisangkot sa mga pulitikal na gawain sa Burma.  Ilang beses ko na silang pinagsabihan.  Tinuturuan din ng aming embahada ang mga Tsino sa Burma batay sa patakarang ito.”  Sinabi rin ng Embahador ng Tsina sa Burma na, “Bago ang halalan, sadyang ipinatawag ng aming Embahada ang mga Tsino na walang pagkamamamayang Burmes at sinabihan ang mga ito na huwag makisangkot sa mga pulitikal na aktibidad ng Burma. [20]  Bilang tugon sa paratang na ang sangay ng Bank of China sa Rangoon ay nasasangkot sa pagsuporta kay U Nu, sinabi ni Zhou Enlai na ang pamahalaang Burmes ay may karapatang kilatisin ang mga deposito sa sangay sa Rangoon at “tutol kami sa kaugalian ng ilang partido na humingi ng donasyon sa mga negosyante.  Gayunpaman, maaaring magbigay ang mga negosyante ng salapi sanhi ng impluwensya ng iba.” [21]


Sa katunayan, noong sinimulan ng Tsina at Burma ang pagdadalawan sa mataas na antas noong 1954, inilinaw ng Tsina ang pusisyon at pagtingin nito sa mga usapin ng Tsino sa Burma sa simpleng paraan.  Sa unang pagbisita ni Punong Ministro U Nu sa Tsina, sinabi sa kanya ni Mao Zedong na, “Hindi kami magtatatag ng mga organisasyong komunista ng mga Tsino sa Burma.  Lahat ng mga dating sangay na naroon ay nilusaw na.  Ganitung-ganito rin ang ginawa namin sa Indonesia at Singapore.  Sinabihan namin ang mga Tsino sa Burma na huwag makialam sa mga pulitikal na gawain.  Maaari lamang silang makilahok sa mga gawaing pinahihintulutan ng pamahalaang Burmes, halimbawa, sa mga pagdiriwang.  Kung lalabagin nila ito ay malalagay sila sa lubhang nakakahiya at alanganing pusisyon… Mayroong mga ekstremistang Tsino sa ibayong-dagat.  Hinihimok namin sila na huwag makialam sa mga internal na usapin ng Burma.  Sinasabihan namin sila na sundin ang batas ng bansang tinitirhan nila at huwag makipag-ugnay sa anumang partido na lumalaban sa pamahalaang Burmes sa pamamagitan ng armadong pakikibaka.” [22]


Sa isang pagsalubong na pagtitipon na inihanda ng mga Tsino sa Rangoon noong ika-18 ng Disyembre 1956, inilahad ni Zhou Enlai sa mas sistematikong paraan ang patakaran ng Tsina: ang Tsino sa ibayong-dagat ay “dapat gawin ang kanyang dapat gawin, sikaping maging mabuting residente, residenteng sumusunod sa batas at, higit sa lahat residenteng huwaran.”  Sinabi niya na ang mga nagkamit ng pagkamamamayang Burmes ay dapat ibahin ang kanilang sarili mula sa mga hindi.  Ang mga unang nabanggit ay hindi dapat sumali sa anumang organisasyong Tsino at ang huli ay hindi dapat makilahok sa mga gawaing pulitikal ng Burmes.  “Ang mga Tsino sa ibayong-dagat ay hindi pinahihintulutang sumali sa anumang partidong Burmes, makilahok sa halalan o anumang gawaing pulitikal.  Dapat ay lumayo sila sa mga ito… Dagdag pa, hindi kami magtatatag ng mga organisasyon ng partido komunista o iba pang partido demokratikong Tsino.  Kailangan nating gumawa ng malinaw na hangganan dito.  May ilan na maaaring makisapi sa mga partido pagbalik sa Tsina, subalit ito ay ipinagbabawal sa Burma. [16]  Sa kanyang pagbisita, malinaw na inilahad ni Zhou Enlai na, “sa pulitika, itinataguyod namin na ang mga nagkamit ng karapatang bumoto sa Burma ay dapat ituring na mamamayan ng Burma at wala nang pagkamamamayang-Tsino at, sa gayo’y, hindi na maaaring sumali sa mga organisasyon at aktibidad ng mga Tsino sa ibayong-dagat.  Alinsunod dito, ang mga Tsino sa ibayong-dagat na patuloy na nagtataglay sa kanilang pagkamamamayang Tsino ay dapat lumayo sa anumang gawaing pulitikal sa Burma. [23]  Sinabihan ang may-akda ng isang Tsinong matagal nang naninirahan sa Rangoon na, dagdag pa sa paglalahad ng kanyang pusisyon at mga bilin, sinabi rin ni Premiyer Zhou “sa halos lahat ng pagkakataong pampubliko, na ang mga Tsino sa ibayong-dagat ay hindi dapat masangkot sa mga lokal na gawaing pulitikal” sa bawat isa sa kanyang siyam na pagbisita sa Burma.


Bagamat ang dekada 1950 ay naging saksi sa ilang mga pasikut-sikot sa usaping pulitikal ng mga Tsino sa ibayong-dagat, ang pusisyon at paninindigan ng pamahalaan ng Tsina at ang aktwal na paglayo ng mga Tsino sa lokal na pulitika, sa kabuuan, ay nagpahupa sa mga agam-agam ng Burma.


Ang pang-ekonomikong papel ng mga Tsino sa ibayong-dagat


Ang pang-ekonomikong kapangyarihan at kahalagahan ng Tsino sa ibayong-dagat ay naging sanhi rin ng hinala at masusing pagmamanman ng mga bagong bansang nagsasarili.  Sa loob ng mahabang panahon, ang mga lokal na elit pampulitika, ektremistang nasyunalista, at iba pang mga grupong may interes, ay nagpapasimuno sa mga kampanyang anti-Tsino, at pinaparatangan ang mga Tsino ng “pangongontrol sa pang-ekonomikong buhay ng mga bansa sa Timog-silangang Asya.”  Ang nasyunalismong pang-ekonomya ay isa sa mga sentral na aspeto ng mga kilusang makabayan sa Timog-silangang Asya matapos ang digmaan.  Matapos maipanalo ang pulitikal na pagsasarili mula 1945, ang mga bansang Timog-silangang Asyano ay nagpatupad ng mga patakarang naghahangad ng pang-ekonomyang pagsasarili.  Bago ang pagsasarili ng Burma, ang ekonomya nito ay nasa kamay ng mga kolonyalistang Ingles, Indian, at Tsino.  Matapos pasinayaan ang pagsasarili noong 1948, naging susing patakaran ang “Burmanisasyon” ng ekonomya.  Noong dekada 1950, tinutukan ng pang-ekonomyang nasyonalismong Burmes ang pagsasaka, pagbabangko, pagmimina, at kalakalan.  Sapagkat ang mga pamayanang Tsino sa Burma ay nakatuon sa kalakalan at ang karamiha’y nasa negosyo ng palitan at pagtitingi, lubhang naapektuhan ang mga ito ng patakaran ng pambansang ekonomya na “nagbigay ng prioridad sa mga Burmes sa usapin ng komersyo at kalakalan.”


Sa harap ng mga pagbabagong ito sa Timog-silangang Asya, isinuma ito ng Tsina bilang “tunggalian sa pagitan ng komersyal na ekonomya ng mga Tsino sa ibayong-dagat at ng lokal na pambansang ekonomya.”  Ang mabilis na pag-unlad ng mga pambansang ekonomya sa Timog-silangang Asya ay nangailangan ng pagbuwelo sa sektor ng negosyo.  Sa ganitong pagtingin, ang mga negosyo ng mga Tsino sa ibayong-dagat ay natural na magiging target para sa paglilimita.  Gumamit ang mga pamahalaang lokal ng mga ligal na pamamaraan sa pagpapatupad ng mga pambansang patakaran sa lahat ng mga industriya upang mapanghawakan ang kani-kanilang mga ekonomya.  “Iminumungkahi namin na bahagi ng kapital ng mga Tsino ay ilipat sa industriya upang sa gayo’y magkaroon tayo ng mas mainam sa pusisyon sa inisyatibang pulitikal at malutasan ang mga hidwaan sa pagitan ng mga Tsino sa ibayong-dagat at sa mga mamamayan ng mga bansang tinitirhan nila, at sa pagitan ng ekonomya ng mga residenteng Tsino at ng lokal na ekonomya. [25]  Samantalang nagpatupad ng mangilan-ngilang patakaran tungo sa pang-ekonomyang Burmanisasyon, na ang karamiha’y nakatuon sa negosyo at pag-aangkat at pagluluwas, sinuportahan ng pamahalaang Burmes ang mga residenteng Tsino na magpundar sa mga industriyang Burmes.  Sa pagbisita ni Premiyer Zhou Enlai sa Burma noong 1956, sinabi sa kanya ni Punong Ministro U Ba Swe na “sapagkat ang Burma ay nagsabansa na sa negosyo ng pagsasanla, maaaring mayroong mga pondong hindi ginagamit ang mga residenteng Tsino.  Kung ang salaping ito ay ipupundar sa pagpapaunlad ng industriya, sa halip na hadlangan ito ng pamahalaang Burmes, ay tutulong ito sa paglipat ng kapital.” [19]


Sa kanyang pagbisita noong 1956, sinabi ni Zhou Enlai sa mga Tsino sa Burma na, kung nais nilang manatili roon, ay dapat magbuo sila ng pangmatagalang plano.  Ang pagpasok sa negosyo ay maaaring may peligro, samantalang ang pagpundar sa industriya ay may magandang hinaharap: “Ang pagbalik ng puhunan sa industriya ay mabagal ngunit tiyak.  Ang mga negosyante na may bisyon ay dapat makisangkot sa larangang ito, ilagay ang kanilang di-ginagamit na kapital sa Burma at sa pakikipagtulungan sa Burmes.  Ang pagpapaunlad sa industriya at gawang-kamay, sa pahintulot ng pamahalaang Burmes, ay isang may-bisyon at pangmatagalang plano.  Sa pamamagitan nito, makakaambag tayo sa pag-unlad ng Burma.” [16]


Ang pamahalaan ng Tsina ay hindi lamang naglunsad ng mga patakarang pang-insentiba sa mga Tsino sa ibayong-dagat para lumipat mula sa negosyo tungo sa industriya, kundi nagbigay rin ng malaking tulong sa teknolohiya at kagamitan.  Halimbawa, nang magbalak ang mga Tsino sa Burma na magtayo ng pagawaan ng papel na kasosyo ang Burma noong gitna at huling bahagi ng dekada 1950, ang Ministro ng Ugnayang Panlabas, Ministro ng Kalakalang Panlabas, at Ministro ng Magaang Industriya ng Tsina, matapos ang masinop na mag-aaral, ay nagmungkahi na sa usapin ng hatian ng tubo, pagbabayad ng kita sa kalakalang panlabas, durasyon ng pagpapatakbo bago ang pagsasabansa, pagbabalik ng kapital, at pagsasanay sa pangasiwaan, ang mga mamumuhunang residenteng Tsino ay “hindi dapat umasa nang sobra, sapagkat maaari nitong gatungan ang mga hinala ng pamahalaang Burmes.  Ang ating kahandaan na magbigay ng tulong at suporta sa mga Burmes sa usapin ng makinarya at teknolohiya ay tanda ng kagustuhan ng pamahalaan ng Tsina na gabayan at suportahan ang mga residenteng Tsino sa kanilang paglipat mula sa negosyo tungo sa industriya.” [26]  Sinabi rin ng Embahada ng Tsina na “ang industriyang pag-aari at pinapatakbo ng Tsino sa ibayong-dagat ay may maikling buhay at mabuway na pundasyon, subalit bilang lumilitaw na pwersa, sumusulong ito nang kaakibat ang mga pagsusumikap na pag-isahin ang buong ekonomya ng Burma.  Ito ang tanging landas.  Nakaayon ito hindi lamang sa mga pangangailangan at interes ng ekonomyang Burmes, kundi na rin sa pangmatagalang interes ng mga residenteng Tsino.  Ang ekonomya ng mga residenteng Tsino ay dapat nakadirekta sa lokal na pamayanan at mamamayan at nakapaloob sa pambansang ekonomya ng Burma.  Pag-ambag sa pang-ekonomyang kaunlaran ng Burma at pagganap ng positibong papel sa pag-aangat sa antas ng buhay ng mga mamamayang Burmes.” [27]


Samantala, ang tiwaling pamamaraan ng pagkamal ng kita na isinasagawa ng ilang mga negosyanteng Tsino ay nakagalit sa mga lokal na pamahalaan at mamamayan.  Sa isang pagdalaw sa Burma ni Premiyer Zhou Enlai, sinabi sa kanya ni Punong Ministro U Ba Swe na “ang mayorya ng mga Tsino sa Burma ay mabuti.  Subalit may mga residenteng Tsino na nakikilahok sa “black market” na nagdudulot ng negatibong epekto sa pamilihan.  Umaasa ang pamahalaang Burmes na ang mga residenteng Tsino ay maglilipat ng kapital sa pagpapaunlad ng industriya.” [19]  Bilang tugon, iniutos ni Zhou Enlai na “ang mga Tsino sa ibayong-dagat, sa loob man ng negosyo o industriya, ay dapat sumunod sa batas ng Burma at umiwas sa anumang iligal o immoral na gawain.”  Hindi sila dapat magtaas ng presyo nang walang dahilan o makisangkot sa “black market” na sumasalungat sa interes ng publiko.  “Datapwat, dapat silang maging mga huwarang negosyante na may mataas na moralidad at integridad.” [16]


Ang usaping pang-ekonomya ng mga Tsino sa ibayong-dagat ay hindi naging kasing-prominente ng usaping pulitikal salamat sa wastong paggabay ng dalawang pamahalaan at sa paglipat ng mga residenteng Tsino mula sa negosyo tungo sa industriya.  Isa pang mahalagang dahilan ay ang kapangyarihang pang-ekonomya ng mga Tsino sa Burma ay higit na mahina sa kapangyarihan ng mga Indian, na mas nakatawag ng pansin.


Relasyon sa pagitan ng mga grupong etniko


Ang mabuti at payapang relasyon sa mga lokal na mamamayan ay mahalagang rekisito sa buhay ng mga migranteng Tsino sa pagpapahupa sa tensyong dulot ng nasyonalismo, pangangalaga sa sarili nilang interes at pagpapadulas sa komunikasyon sa pagitan ng bayang kanilang tinitirhan at ng kanilang inang-bayan.


Upang makasundo ang mga lokal na mamamayan at mapaloob sa daloy ng lipunan, ang mga residenteng Tsino, bilang mga migrante, ay dapat mayroong positibo, makatwiran, at matulunging mentalidad.  Minsa’y sinabi ni Premiyer Zhou Enlai sa ilang mga residenteng Tsino na lumayo sa chauvinismo at egoismo.  “Sa halip, ang pakikitungong kinatatangian ng kababaang-loob at pagkamaingat ay kanais-nais, esensyal para sa paglikha ng matatag na relasyon sa pagitan ng mga tao o bansa.” [16]  Hinggil sa mga binitawang salita ni Zhou Enlai, sinabi ni G. Li Jun, dating punong patnugot ng People’s Daily ng Rangoon, “naroon ako sa okasyong sinabi ni Zhou Enlai ang mga ito, na nagkaroon ng malaking epekto sa sumunod na panahon.  At mula noon ay sinimulang iwaksi ng mga residenteng Tsino ang kanilang chauvinismong Han.” [28]


Ang Burma ay isang bansang Buddhista, na ang mayorya ng populasyon ay sumusunod sa mga paniniwala nito.  Ang Buddhismo ay kumakatawan sa pundasyon at ubod ng kulturang Burmes.  Ang mga kaugalian at ugali, bilang bahagi ng kultura, ay nabuo sa mahabang panahon ng pangkasaysayang pag-unlad sa mga larangan tulad ng pagkain, pananamit, tirahan, kasal, libing, masasayang pagdiriwang, at aliwan.  Ang mga kaugalian at ugali ay sumasalamin sa mga tradisyong pangkasaysayan, sikolohiya, pananampalataya, at iba pa, ng bawat grupong etniko at, sa gayo’y bumubuo ng mahalagang aspeto sa mga katangian ng bawat grupong etniko.  Sa gayon, ang paggalang at pagtanggap sa mga paniniwalang panrelihiyon at kaugalian ay bahagyang nagdedetermina sa pagkalapit at integrasyon sa lokal na kulturang laganap at sa pagtanggap at pagkilala ng mga mamamayang Burmes sa mga residenteng Tsino.  Tungo rito, itinuro ng mga pinunong Tsino na “dapat igalang ng mga Tsino sa ibayong-dagat ang mga kaugalian at paniniwalang panrelihiyon ng mga bansang tinitirhan nila.  Naninindigan kami na ang mga Tsino sa ibayong-dagat ay dapat magtatag ng pagkakaibigan at maging pag-iisang-dugo sa mga mamamayang lokal, bagay na susi sa pagtamo ng payapang permanenteng paninirahan ng mga Tsino sa ibayong-dagat.” [16]


Sinuportahan din ni Zhou Enlai ang pakikipag-asawa ng mga Tsino sa Burmes.  Naniwala siya na ang “pangangasawa ay makatutulong.  Tuwing nakakakita kami ng mga kaibigang Burmes, ikinalulugod namin na marami sa kanila ay may pakikiisang-dugo sa mga Tsino at marami kaming mga kalahi at kamag-anak sa bansang ito.”  “Nararapat ipagdiwang ang pangangasawa ng Tsino at Burmes.  Ang ilan sa inyo o sa kamag-anak ninyo ay nag-asawa ng mga kaibigan nating Burmes, at malugod ko kayong binabati.” [16]  Hinggil sa layunin ng pagsuporta sa pangangasawa sa pagitan ng mga migranteng Tsino at lokal na mamamayan, malinaw na isinaad ni Zhou Enlai sing-aga ng Agosto 1951, sa ika-99 na pulong ng Konsehong Pang-estado ng Tsina, na “mayroong mahigit 10 milyong Tsino na naninirahan sa Timog-silangang Asya.  Dapat natin silang himukin na mag-asawa ng mga lokal na mamamayan kaysa sa hadlangan ito.  Sa ganitong paraan lamang sila maaasimila sa mga mamamayan at uunlad kasabay nila.” [23]


Sapagkat ang wika ay parehong sagisag ng kultura at instrumento para sa komunikasyon, ang kahusayan sa lokal na wika ay isa sa mga rekisito para sa mga Tsino sa ibayong-dagat, bilang migrante, upang maasimila sa lokal na lipunan at makapagtatag ng mabuting relasyon sa lokal na pamayanan.  Iniutos ni Zhou Enlai na ang mga residenteng Tsino sa Burma ay dapat magkaroon ng mahusay na kaalaman sa wikang Burmes upang malaya at direkta nilang makasalamuha ang mga mamamayang Burmes.  “Kahihiyan para sa inyo na hindi paghusayin ang pag-aaral sa wikang banyaga.  Mayroong mga tao na, matapos manirahan sa ibayong-dagat nang ilang dekada, ay hindi pa rin nakakaintindi ng ni isang pangungusap sa lokal na wika.”  “Iminumungkahi ko na ang mga Tsino sa ibayong-dagat ay paghusayin ang pag-aaral sa wikang banyaga.  At mas lalo pa na ang mga batang henerasyon ng mga Tsino sa Burma ay dapat makaintindi ng wikang Burmes.”  “Mabuti para sa mga pahayagan ng mga residenteng Tsino na magkaroon ng mga dagdag na pahina sa wikang Burmes.  Ang mga residenteng Tsino ay dapat marunong magbasa ng Tsino at Burmes.  Sa mga paaralan ng Tsino sa ibayong-dagat, ang wikang Burmes ay dapat maging sapilitang kurso.” [16]  Sa ilalim ng gabay at suporta ng pamahalaan ng Tsina, ang mga Tsino sa Burma ay “nagsimulang paghusayin ang pagtuturo at pag-aaral sa Burmes mula noong gitna ng dekada 1950.  At naging malaki itong tulong matapos ang ilang taon ng pagsisikap.” [29]  Noong Setyembre 1957, ang Burmese Overseas Chinese Teachers’ Association, ang pinakamataas na tagapangasiwa sa Edukasyong Tsino sa Burma, ay nagpatibay ng resolusyon na nag-uutos sa lahat ng mga paaralan ng Tsino na pag-ibayuhin ang pagtuturo ng Burmes at pagsasalin sa kursong Burmes sa kurikulum.  Ang ilang mga paaralang Tsino ay nagpatupad pa nga ng patakarang “isang paaralan, dalawang kurikulum (Tsino at Burmes).”


Pangwakas


Sinabi ni Victor Purcell, isang kilalang istoryador sa araling Timog-silangang Asya, na matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig “ang pag-alis ng mga kolonyalista at ang simula ng pamumuno ng partido komunista sa Tsina ay nangahulugan na ang dalawang pwersang dating inaasahan ng mga Tsino sa ibayong-dagat ay sabay na nagbago.  Ito ang pinakanakaapekto sa tadhana ng mga Tsino sa ibayong-dagat.” [30]  Ang pagbabago sa tadhana ng mga Tsino sa ibayong-dagat dulot ng pagbabago ng panahon ay pinakanasasalamin sa mga usapin ng ligal na identidad, pagkilalang pulitikal, pang-ekonomyang papel, at relasyon sa lokal na mamamayan.  Bagamat ang mga residenteng Tsino sa mga bagong-luwal na nasyunalistang bansa sa Timog-silangang Asya ay nakaharap ang parehong mga hamon, ang sitwasyon ay iba’t iba sa bawat bansa dulot ng mga pagkakaiba sa dami ng mga Tsino sa populasyon, sa kanilang kapangyarihang pang-ekonomya, antas ng asimilasyon sa bawat bansa at sa relasyon sa pagitan ng Tsina at ng bansang kanilang tinitirhan.  Kung ihahambing sa mga residenteng Tsino sa ibang mga bansa sa Timog-silangang Asya, ang maliit na bilang ng mga residenteng Tsino sa Burma ay mas mahina ang kapangyarihang pang-ekonomya, mas mataas ang antas ng asimilasyon sa lokal na pamayanan, at mas mainam ang relasyon sa mga mamamayan.  Ito ang dahilan kung bakit ang usapin ng mga residenteng Tsino ay hindi naging tampok sa relasyong Tsino-Burmes.  Subalit ang isang mas mahalagang dahilan ay ang mga patakarang ipinatupad ng dalawang bansa sa isa’t isa.


Noong dekada 1950, ang Burma na nakapwesto sa tagpuan ng Timog Asya at Timog-silangang Asya ay nagsaad sa ilang mga pagkakataon ng pagkabahala na maaaring sirain ng Bagong Tsina ang pambansang seguridad nito at ng pangangailangan at kahalagahan ng pagpapanatili ng mabuting relasyon sa Tsina at iba pang malalaking bansa.  “Lubos na kinikilala ng pamahalaang Burmes na ang heopolitika ay bagay na hindi mababago.”  “Ang patakaran ng Burma ng nyutralidad ay isang patakarang pinili batay sa pundamental na pambansang interes nito.  Sa ibang salita, ang pambansang interes ay nagdidikta ng pag-iwas sa pakikipagtunggali sa Komunistang Tsina.”  Itinuring ng Tsina ang Burma bilang huling bastyon laban sa istratehikal na pagpapalibot at pagharang ng Kanluran.  Sa pagbabalik-tanaw sa suliranin ng mga residenteng Tsino sa Burma sa ganitong konteksto, malinaw na makikita na ang paglutas dito ay alinsunod sa interes ng dalawang bansa, na nangingibabaw sa mga relasyong bilateral.  Sa bahagi ng pamahalaang Burmes, hindi nito ginalit ang Tsina para sa kadahilanang ito.  Sa bahagi ng Tsina, nagtaguyod ito ng patakaran ng pangangalaga sa mga karapatan at interes ng mga residenteng Tsino at sa pangkabuuang interes ng relasyong Tsino-Burmes.  Sa banggaan ng dalawang interes, ang una ay kailangang magbigay-daan sa huli.  Bunga nito, ang pamahalaang Burmes ay nagsagawa ng patakaran na naghahalo ng restriksyon at paggamit sa mga residenteng Tsino.  Nakaranas ang mga residenteng Tsino ng panggigipit mula sa nasyunalismong Burmes habang nagtatamasa ng limitadong espasyo sa buhay.  Ang patakaran ng Tsina hinggil sa pagkamamamayan, pulitika, ekonomya, relasyong etniko ng mga residenteng Tsino sa iba pang mga grupong etniko ay palaging nakatuon sa pag-alalay sa kanilang payapang pamamalagi at pagpawi sa mga hinala na ang mga residenteng Tsino ay bumubuo ng “fifth column.”  Sa ganitong paraan, ang usapin ng mga Tsino sa ibayong-dagat ay hindi magiging hadlang sa relasyong bilateral.  [Salin mula sa Ingles ni Sofia Guillermo]




Kyoto Review of Southeast Asia Issue 10 (August 2008)

Si Fan Hongwei ay lecturer sa Center for Southeast Asian Studies, Xiamen University, sa Fujian.  Ang artikulong ito ay unang lumabas sa Southeast Asian Affairs 2007, blg. 1. Isinalin ito para sa KRSEA ni Ding Hao.

Kyoto Review of Southeast Asia
Issue 10 (August 2008)

© Center for Southeast Asian Studies, Kyoto University

KYOTO REVIEW OF SOUTHEAST ASIA GRATEFULLY ACKNOWLEDGES THE SUPPORT OF THE TOYOTA FOUNDATION.

Designed and developed by SQUEAKYSTUDIOS for CSEAS

Mga Tala

[1] “Summary on the National Day Celebrations at Embassy in Burma” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No.117-00038-02(1)

[2] “Premier Zhou Enlai Holds Banquet in Honor of Prime Minister U Nu” [J] Xinhua Biweekly, 1957,(9)

[3] “Burmese Government Officials and the Media’s Response to Premier Zhou Enlai’s Visit to Burma” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No.105-00259-03

[4] “Account of Chairman Mao Zedong’s Talk with Visiting Burmese Deputy Prime Ministers, U Ba Swe and U Kyaw Nyein” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 105-00339-01(1)

[5] “Situations in Burma” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 102-00055-04(1)

[6] “Burmese Foreign Minister’s Opinion on Chinese Ambassador’s Remarks at local overseas Chinese Gathering and China’s Response to It” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 105-00067-02(1)

[7] “First Secretary Denies the Establishment of Military Bases by the US in Burma” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 105-00174-02(1)

[8] “Burmese Embassy in China Demands Chinese Foreign Ministry to Publish an Explanation Article on Yunnan Daily to Clarify the Incorrect Message in Thakin Lwin’s Essay” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 105-00078-01(1)

[9] G. William Skinner. “Overseas Chinese in Southeast Asia” [J] Annals of the American Academy of Political and Social Science, Vol. 321, Jan.1959

[10] “Brief Account of the Talk between Premier Zhou Enlai and Burmese Ambassador U Min Thein” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 105-00002-01(1)

[11] “The Talk between Chinese Premier and Burmese Prime Minister” [N] People’s Daily, 1954-12-13

[12] “Brief Account of the Talk between Foreign Minister Zhang Hanfu and U Hla Maung, Burmese Ambassador to China (at half past ten, October 13th , 1955)” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 105-00175-03(1)

[13] “Advice on the Nationality of Burmese Overseas Chinese” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 105-00510-03(1)

[14] “Files on the Dual nationalities of Burmese Overseas Chinese Compiled by the Department of Asian Affairs of Ministry of Foreign Affairs” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 105-00510-10(1)

[15] “Account of the Talk between Premier Zhou Enlai and Burmese Ambassador to China, U Hla Maung (ika-25 ng Agosto 1956)” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 105-00307-02(1)

[16] “Remarks by Premier Zhou Enlai at the Welcoming Gathering of Overseas Chinese in Rangoon, Burma” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 105-00510-08(1)

[17] “Account of the Talk between Foreign Minister Zhang Hanfu and U Min Thein, Burmese Ambassador to China” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 105-00002-02(1)

[18] “Account of the Talk between Premier Zhou Enlai and Burmese Ambassador to China, U Hla Maung (ika-25 ng Agosto 1956)” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 105-00307-03(1)

[19] “Brief Account of the Talks between Premier Zhou Enlai and Burmese Leaders”  [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 203-00019-02(1)

[20] “An Account of the Talk between Pemier Zhou Enlai and Former Burmese Prime Minister, U Ba Swe” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 203-00036-04(1)

[21] “A Brief Account of Premier Zhou Enlai’s Visit to Burma” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 203-Y0036

[22] Works of Mao Zedong: vol. 6 [M]. Beijing: People’s Press, 1999

[23] Chronicle of Zhou Enlai 1949-1976 vol:1 [Z] Beijing: Central Compilation Press, 1997

[24] Panayam ng may-akda kay Ye Keqing, isang residenteng Tsino sa Rangoon, Burma, 2005-11-08

[25] “On Overseas Chinese Affairs” [Z] Archives of Office of Overseas Chinese Affairs, the State Council, 1992

[26] “On the Joint Paper Mill between Burmese Overseas Chinese and Burmese Government” [Z] Archive of Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, No. 105-00339-07(1)

[27] “Survey on Overseas Chinese Economy in Rangoon by Chinese Embassy in Burma” [R] 1958-10-15 (di-kilala ang tagapaglathala)

[28] Panayam ng may-akda kay Li Jun, isang dating residenteng Tsino sa Burma na nagbalik sa Tsina [Z] Kunming, China, 2003-12-06

[29] Panayam ng may-akda kay Feng Lidong, isang dating residenteng Tsino sa Burma na nagbalik sa Tsina [Z] Xiamen, China, 2003-04-23

[30] Victor Purcell, “Chinese Society in Southeast Asia” in [A]. John T. McAlister, Jr. ed. Southeast Asia. The Politics of National Integration [C] New York: Random House, 1973


Frank H.Golay, Underdevelopment and Economic Nationalism in Southeast Asia, Ithaca and London: Cornell University Press, 1969, pp. 211-262


Ang Insidente ng ika-26 ng Hunyo noong 1967 ay eksepyon sa panahong ito. Para sa karagdagang pananaliksik dito, pakisangguni sa The June 26th Incident in 1967 and Studies of Burmese Society, Taiwan Southeast Asian Studies Journal vol. 3, 2006, pp.47-72

click to download PDF