Li Jinming
Conflict in the South China Sea and the International Law of the Sea Beijing/ China Ocean Press / 2003
Rebyu ni Yang Cuibo
volume 10


NEWS


Ang Conflict in the South China Sea and the International Law of the Sea ay isinulat ni Propesor Li Jinming, tagapangasiwa ng mga kandidato para sa doktorado ng Research School of Southeast Asian Studies sa Xiamen University. Nilalaman ng aklat ang kanyang bagong ambag sa pangangalaga ng soberenyang teritoryal ng Tsina sa Dagat Timog Tsina at pagpapadali sa payapang solusyon sa mga tunggalian sa rehiyon.
Ang aklat ay nahahati sa labing-isang kabanata at may 164 libong karakter. Itinatampok sa labing-isang kabanata ang: mga kasalukuyang tunggalian hinggil sa Dagat Timog Tsina; direksyon ng mga pag-aaral sa soberenya ng Dagat Timog Tsina sa ika-21 dantaon; ang pinagmulan, ebolusyon, at kasalukuyang kalagayan ng mga putul-putol na hangganan sa Dagat Timog Tsina; mga hangganan sa Kapuluan ng Nansha at karatig-dagat na inaangkin ng Biyetnam; mga hangganan sa Kapuluan ng Nansha at karatig-dagat na inaangkin ng Pilipinas; mga hangganan sa Kapuluan ng Nansha at karatig-dagat na inaangkin ng Malaysia, Indonesia, at Brunei; ang Insidente ng Meiji Jiao; ang kampanya para sa modernisasyon ng hukbong militar ng Pilipinas matapos ang Insidente ng Meiji Jiao at Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos; ang mga aktibidad ng Pilipinas sa Isla ng Huangyan sa nakaraang mga taon; ang Kapuluan ng Nansha sa The Sailing Charts of Zheng He at sa mga aklat ng kasaysayan sa Tsina; ang pagpapaunlad sa mga rekursong langis sa paligid ng Kapuluan ng Nansha at mga nakikitang solusyon sa pagtatalo.
Ang pag-unlad ng pananaliksik na kinakatawan ng aklat na ito ay sumasalamin sa malalim na pag-aaral ng may-akda sa mga usaping nakapaligid sa Dagat Timog Tsina at nag-aangat sa may-akda sa nangungunang pusisyon sa larangang ito dito at sa ibayong-dagat. Hinaharap ng aklat ang iba’t ibang mga punto na dapat nating bigyang-pansin.
Una, alinsunod sa mga batayang teorya ng batas internasyunal at batay sa Kumbensyon hinggil sa Batas Pangkaragatan ng United Nations, ang pananaliksik ng may-akda ay sumasaklaw sa mga usapin ng demarkasyon ng mga hangganan ng mga eksklusibong sonang pang-ekonomya at mga continental shelf ng mga bansang bumabaybay sa Dagat Timog Tsina. Ipinapakita ng pananaliksik, at inilalarawan sa aklat, ang soberenya ng ating bansa sa Dagat Timog Tsina; pinapabulaanan nito ang mga maling argumento at pag-aangkin na inihahain ng Biyetnam, Pilipinas, Malaysia, at iba pang mga bansa; ipinagtatanggol nito ang soberenyang teritoryal ng ating bansa sa Dagat Timog Tsina at pinoprotektahan ang mga karapatang maritimo at interes ng ating bansa.
Pangalawa, batay sa kanyang pananaliksik sa mga dokumentasyong pangkasaysayan at teoryang de jure, sinusuri ng may-akda ang mga hangganang inaangkin ng Biyetnam, Pilipinas, Malaysia, Indonesia, at Brunei, binibigyan tayo ng malinaw na kaalaman sa kanilang mga pag-aangkin at nagbibigay sa mga kinauukulang departamento ng pamahalaan ng mahalagang pundasyon para makahanap ng mga pananggalang at bumuo ng mga napapanahong patakaran.
Pangatlo, ang aklat ay naglalaman ng maraming talaan at guhit na malaki ang idinaragdag sa halaga nito. Salamat sa mga talaan at guhit, ang mga mambabasa at tagalikha ng mga patakaran sa ating pamahalaan ay magkakaroon ng malinaw na kaalaman sa mga hangganan ng Kapuluan ng Nansha at mga karatig-dagat na inaangkin ng ibang mga bansa. Dagdag pa, ang mga talaan at guhit ay nakatutulong upang ang pananaliksik ay maging mas tiyak at syentipiko.
Pang-apat, ang mga usaping kaugnay ng tunggalian sa pagitan ng Tsina at Pilipinas ang paksa ng apat sa labing-isang kabanata, kung saan ang mga argumento at pagsusuri ng may-akda ay nagpapakita sa kanyang kakaibang perspektiba at lalim ng kanyang kaalaman at pananaliksik. Sa apat na kabanatang ito, sinusuma at binibigyang-komentaryo ng may-akda ang proseso, layunin, at maaaring dahilan para sa Insidente ng Meiji Jiao na sinimulan ng Pilipinas, at maging ang modernisasyon ng hukbong militar ng Pilipinas matapos ang Insidente at ang pagtutulungan ng Pilipinas at Estados Unidos, kung kailan itinulak ng Pilipinas ang kontrobersyal na hangganan sa hilaga at sinimulan ang Insidente sa Isla ng Huangyan. Pinabubulaanan at pinupuna ng may-akda ang ilang maling argumento, halimbawa “ang Isla ng Huangyan ay nasa rehiyon ng eksklusibong sonang pang-ekonomya ng Pilipinas” at “ang Isla ng Huangyan ay nasa teritoryo ng Pilipinas.”
Panglima, partikular na binibigyang-diin ng may-akda ang pinag-ugatan, ebolusyon, at kasalukuyang kalagayan ng mga putul-putol na hangganan ng ating bansa sa Dagat Timog Tsina. Gaya ng alam nating lahat, noong 1935 ay inangkin ng pamahalaan ng Tsina ang rehiyon ng soberenya nito sa Dagat Timog Tsina sa pagsasapubliko sa mga pangalan ng mga isla at reef nito; noong 1947, nilagyan ng Kagawaran ng mga Rehiyon sa Ministro ng Usaping Sibil ng demarkasyon ang teritoryo ng Kapuluan ng Nanhai at mga reef at nagsabatas ng labing-isang putul-putol na hangganan; noong 1953, pinalitan ng pamahalaan ng Tsina ang labing-isang hangganan sa siyam. Nilagyan ng pamahalaan ng Tsina ng demarkasyon ang baseline ng dagat teritoryal ng Kapuluan ng Xisha sa Dagat Timog Tsina ng mga tuwid na guhit noong 1996. Iniuugnay ng may-akda ang usapin ng hangganan ng Dagat Timog Tsina sa demarkasyon sa baseline ng Kapuluan ng Xisha, at sa gayo’y iniuugnay ang nakaraan sa kasalukuyan. Sa ganitong paraan, nagbibigay siya ng pangangatwiran at pagsusuring pangkasaysayan at ligal sa demarkasyon ng Tsina sa baseline ng Kapuluan ng Xisha. Isang kahirapan sa pananaliksik sa tunggalian sa Dagat Timog Tsina ay kung paano pagsasanibin ang ebidensya ng mga pangkasaysayang gawain ng ating bansa sa Dagat Timog Tsina at modernong batas internasyunal. Sa ganitong pagtingin, walang-duda na si Propesor Li ay gumawa ng mahalagang pag-aaral.
Pang-anim, sa konteksto ng nagiging kritikal na usapin ng suplay ng enerhiya para sa Tsina, tinatalakay ng may-akda ang posibilidad ng nagtutulungang pagpapaunlad ng Tsina at mga karatig-bansa sa mga rekursong langis ng Dagat Timog Tsina. Sa gayon, ang aklat ay may praktikal na halaga sapagkat nagbibigay ito ng nakatutulong na sanggunian para sa mga kinauukulang kagawaran sa kanilang paggawa ng patakaran hinggil sa Dagat Timog Tsina o pagresolba sa suliranin ng demarkasyon.
Pampito, ang may-akda ay gumawa ng partikular na pananaliksik sa Kapuluan ng Nansha kaugnay ng The Sailing Charts of Zheng He at umabot sa konklusyon na sa pitong paglalayag ni Zheng He sa umpisa ng Dinastiyang Ming ay nagkaroon siya ng detalyadong kaalaman sa mga lokasyon at rehiyon ng mga kapuluang ito at gumawa ng angkop na dokumentasyon sa mga mapa. Sa pagitan ng Isla ng Hainan at Isla ng Cu Lao Re sa Biyetnam, sa silangan ng Wuzhu Zhou sa silangan ng Isla ng Shangchuan sa Lalawigan ng Guangdong at sa silangan ng Isla ng Dazhou sa timog-silangan ng Wanzhou sa Isla ng Hainan, malinaw na nakamarka sa The Sailing Charts of Zheng He ang mga isla ng Shixing Shitang, Shitang, at Wansheng Shitang Yu. Tinutukoy rito ang Kapuluan ng Zhongsha sa Kapuluan ng Nansha, ang Kapuluan ng Yungle, at ang Kapuluan ng Shiuande sa Kapuluan ng Xisha. Ang mga mapa ay lubos na tumutugma sa mga sumunod na tala. Nagpapatuloy ang may-akda sa pagtalakay sa mga kaugnay na sanaysay ng Dinastiyang Qing at nagwawakas na ang Kapuluan ng Nansha ay unang natuklasan at kinontrol ng mga mamamayang Tsino at dati na itong di-maihihiwalay na bahagi ng Tsina.
Bilang wakas, ang aklat na ito ay nararapat basahin ng mga kinauukulang kagawarang pampamahalaan ng Tsina, ng mga akademikong mananaliksik, at ng iba pang mga Tsino na may malasakit sa soberenya ng ating bansa sa Dagat Timog Tsina. Kung kinakailangang kong tumukoy ng kahinaan sa aklat na ito, imumungkahi ko na baguhin ang pagkakasunud-sunod ng mga kabanata. Gayunpaman, ang kahinaang ito ay hindi kailanman masasapawan ang akademikong tagumpay ng aklat. [Salin mula sa Ingles ni Sofia Guillermo]
Kyoto Review of Southeast Asia Issue 10 (August 2008)
Si Yang Cuibo ay Propesor sa Law School ng Sichuan University sa Chengdu. Ang rebyu na ito ay unang lumabas sa Southeast Asian Affairs 2004, blg. 4.
Kyoto Review of Southeast Asia
Issue 10 (August 2008)
© Center for Southeast Asian Studies, Kyoto University
KYOTO REVIEW OF SOUTHEAST ASIA GRATEFULLY ACKNOWLEDGES THE SUPPORT OF THE TOYOTA FOUNDATION.
Designed and developed by SQUEAKYSTUDIOS for CSEAS
click to download PDF