Ang Pag-aaral sa mga Wika ng Timog-silangang Asya sa Tsina: Kasalukuyan at Hinaharap
Chen Hui
volume 10
english japanese chinese indonesian


NEWS


Dulot ng kani-kanilang mga heograpikal na lokasyon, ang Tsina at ang mga bansa ng ASEAN ay matagal nang may malapit na ugnayan, laluna mula noong 1991 nang itinatag ang pagpapalitang relasyon sa dalawang panig. Noong Nobyembre 2002, nilagdaan ng mga pinuno ng Tsina at ASEAN ang Framework Agreement on Comprehensive Economic Cooperation between China and ASEAN sa Phnom Penh, ang kabisera ng Cambodia. Mula noon, ang komunikasyon at pagtutulungan sa pagitan ng Tsina at ng mga bansang ASEAN sa pulitika, ekonomya, diplomasya, at kultura ay mabilis na umunlad. Matapos ang tatlong matatagumpay na China-ASEAN Exposition na inilunsad sa Nanning, Guangxi Zhuang Autonomous Region mula Nobyembre 2004 hanggang Oktubre 2006, ang relasyong pang-ekonomya at pangkalakalan sa pagitan ng Tsina at ASEAN at multilateral na pagtutulungang internasyunal ay pumasok sa bagong yugto ng pag-unlad. Sa panahong ito, ang mga wika ng Timog-silangang Asya ay napakahalagang tulay sa komunikasyon. Samakatwid, ang mga departamento ng wika sa mga kolehiyo at unibersidad na nagtuturo ng mga wika ng Timog-silangang Asya sa Tsina ay unti-unting nagiging bagay na kailangang pagtuunan ng pansin, bilang humaharap sa malalaking pagkakataon para sa pag-unlad at gayundin sa mga bagong hamon.
Ang Kasalukuyang Kalagayan ng mga Departamento ng mga Wika ng Timog-silangang Asya sa Tsina
Dulot ng paghigpit ng ugnayan, ang pag-aaral sa wika ng isa’t isa ay naging lubhang popular sa Tsina at mga bansang ASEAN. Marami sa huling nabanggit ang nagpapadala ng kanilang mga estudyante sa kolehiyo sa Tsina para mag-aral ng wikang Tsino. Maraming unibersidad sa Guangxi Zhuang Autonomous Region at lalawigan ng Yunnan sa kanlurang Tsina ang nagtatag ng pangmatagalang pagtutulungang pang-edukasyon sa mga unibersidad sa mga bansang ASEAN. Tumatayo ngayon ang wikang Tsino bilang pinakapopular na wika sa Timog-silangang Asya.
Sa paglunsad ng proseso para sa pagtatatag ng China-ASEAN Free Trade Area, nagkaroon ng katumbas na pagmamadali sa pag-aaral ng mga wika ng Timog-silangang Asya sa Tsina. Sa kasalukuyan, siyam na unibersidad sa Tsina ang nag-aalok ng mga programang pangkolehiyo para sa mga wika ng Timog-silangang Asya. Kabilang rito, sa hilaga, ang Peking University, Beijing Foreign Studies University at Communication University of China; samantalang sa timog naman ay ang Guangxi University for Nationalities, Yunnan Nationalities University, Guangdong University of Foreign Studies, at Shanghai International Studies University. Ipinapakita sa Talaan 1 ang distribusyon ng mga programa.
Talaan 1 Distribusyon ng mga Programa para sa mga wikang Timog-silangang Asyano (maliban sa Guangxi)
Ang Peking University ang unang unibersidad na nagtayo ng programa para sa mga wika at panitikan ng Timog-silangang Asya sa mismong taon ng pagkakatatag ng Republikang Bayan ng Tsina. Sa kasalukuyan, ang Beijing Foreign Studies University at ang Luoyang Foreign Language Institute ang nag-aalok ng pinakamalaking bilang ng mga programa sa mga wika ng Timog-silangang Asya, na may tig-pitong wikang itinuturo.
Sa pagkakatatag sa mga programang to, ang mga kinauukulang unibersidad ay naglabas para sa Tsina ng maraming espesyalistang bihasa sa mga wikang ito, na gumagamit sa kanilang kaalaman sa mga larangan tulad ng diplomasya, ekonomya at kalakalan, pang-militar, adwana, pangangasiwa sa Partido at pamahalaan, pagsasahimpapawid sa ibayong-dagat, turismo, at mga institusyon ng mataas na edukasyon. Nag-aambag sila nang malaki sa relasyong panlabas at kaunlarang pang-ekonomya at panlipunan ng Tsina, at may mahalagang papel sa pagsusulong ng pagkakaintindihan, komunikasyon at pagtutulungan sa pagitan ng Tsina at mga bansang ASEAN.
Kasalukuyang Pagsigla ng Pag-aaral sa mga Wika ng Timog-silangang Asya sa Guangxi
Sapagkat ang Nanning, ang kabisera ng Guangxi Zhuang Autonomous Region ay pinagpalang magkaroon ng heograpikal na bentahe sa pagiging malapit sa mga bansang ASEAN, at hinirang bilang punong-abala ng taunang China-ASEAN Expo, ang mga wika ng Timog-silangang Asya ay unti-unting nagiging popular sa Guangxi. Samakatwid, tumataas rin ang pangangailangan para sa mga propesyunal sa wika ng iba’t ibang mga industriya at sektor. Upang makaangkop sa mga pagbabagong pang-ekonomya at panlipunan, ang mga departamento ng wikang Timog-silangang Asyano ay hindi lamang nagpalaki sa bilang ng mga estudyante kundi ay nagtayo rin ng mga bagong programa (mga major) sa pagtuturo ng wika at panitikan ng higit na marami pang mga bansa sa Timog-silangang Asya. Ang Talaan 2 ay nagbibigay ng kabuuang paglalarawan sa distribusyon nito.
TABLE 2 Distribusyon ng mga Programa sa mga Wika ng Timog-silangang Asya sa Guangxi
Malinaw na sa paglunsad sa proseso ng China-ASEAN Free Trade Area, ang ilang mga regular na pang-apat na taong unibersidad, mga mababang kolehiyo, at mga mataas na paaralang pang-teknikal ay nag-alok o nagdagdag ng maraming programa o major na tumututok sa mga wika ng Timog-silangang Asya, komersyo, at turismo. Halimbawa, dagdag pa sa mga matagal na nitong mga kurso sa Biyetnames, Lao, Thai, at Cambodian, nagdagdag ang Guangxi University for Nationalities ng dalawa pang kurso sa Burmes at Indones nang may pagpapatibay mula sa Ministro ng Edukasyon noong 2005. Naglunsad din ang Guangxi University of Finance and Economics ng programang Biyetnames sa Departamento ng Komersyo sa Timog-silangang Asya. Maraming mababang kolehiyo at mataas na paaralang pang-teknikal ang nagtayo rin ng mga bagong programa para sa mga wika ng Timog-silangang Asya.
Ilang mga Kagyat na Suliranin sa likod ng Pagmamadali sa Pag-aaral sa mga Wika ng Timog-silangang Asya
Sa kasalukuyan, maraming makikitang suliranin sa mayorya ng mga programa para sa mga wika ng Timog-silangang Asya na ipinapatakbo ng mga unibersidad, mababang kolehiyo, at mga mataas na paaralang pang-teknikal.
Una, sa loob ng iilang taon, mukhang biglaan ang paglaki ng bilang ng mga nag-aaral ng mga wikang Timog-silangang Asyano. Dagdag pa sa mga kurso sa mga wika ng Timog-silangang Asya na inihahain ng siyam na unibersidad, pinag-aaralan din ito ng ilang mga estudyante sa mababang kolehiyo at mga mataas na paaralang pang-teknikal, at may ilan ding institusyong pangsanayan na nag-aalok ng maiikling kurso. Sa kabila nito, ang aktwal na bilang ng mga tao na seryoso sa pag-aaral ng wika ay mahirap tukuyin, at tiyak na hindi kasinglaki ng ipinapakita ng datos mula sa internet. At bagamat malaki ang bilang ng mga nag-aaral ng mga wika ng Timog-silangang Asya, iilan lamang ang nagiging bihasa sa paggamit nito.
Karamihan sa mga estudyante ay hindi nagkakaroon ng sapat na kahusayan sa wikang kanilang pinag-aaralan, laluna yaong nasa mga mababang kolehiyo at mataas na paaralang pang-teknikal na kulang sa mga mahuhusay na guro at kinakailangang pasilidad. Dagdag pa, mayroong mga estudyante na bulag na sumusunod lamang sa madla sa pag-aaral sa mga wika ng Timog-silangang Asya hindi dahil sa sarili nilang interes dito kundi dahil “uso” ito. Ang ganitong motibasyon at konteksto ay tiyak na hindi makabubuti sa kanilang pag-aaral.
Dagdag pa, tulak ng paghahangad para sa kita, ang ilang mga mababang kolehiyo at mataas na paaralang pang-teknikal ay nagtayo ng mga programa para sa pag-aaral ng mga wika sa Timog-silangang Asya at nagsimulang magpaenrol ng mga estudyante sa kabila ng kakulangan ng mga guro at rekurso sa pagtuturo. Sa pagkakaalam ng may-akda, sa kasalukuyan, ang bilang ng mga mag-aaral sa isang klase sa mayorya ng mga mababang kolehiyo at mataas na paaralang pang-teknikal ay umaabot sa apatnapu hanggang limampu, at ang iba nama’y hanggang sa animnapu. Ang ganitong laki ay hindi paborable sa pag-aaral at tiyak na naglilimita sa kakayahan ng estudyante sa pag-aaral ng wika. Makikita natin ang di-mareresolbang kontradiksyon sa pagitan ng relatibong kakaunting guro, di-sapat na pasilidad at rekurso sa pagtuturo at ang relatibong dami ng mga mag-aaral. Tiyak na naaapektuhan nito ang kalidad ng pagtuturo at pagpapaunlad sa kalidad at abilidad ng mga mag-aaral sa mga paaralang ito.
Alam nating lahat na ang pag-aaral sa wika ay nangangailangan ng paulit-ulit na pag-eensayo at harapang pagwawasto sa pagbigkas. Ang bawat estudyante ay dapat mabigyan ng pinakamaraming pagkakataon para mag-ensayo sa pagsasalita. Samakatwid, ayon sa pangkabuuang prinsipyo ng pangangasiwang pang-edukasyon, ang bilang ng mga mag-aaral sa isang klase ay hindi dapat lumampas sa dalawampu upang matiyak na ang bawat estudyante ay may pagkakataong mag-ensayo sa bawat klase. Sa ganitong paraan lamang mahahasa ang mga estudyante para maging mga kwalipikadong propesyunal sa wika.
Pangalawa, ang mga programa ng mga wikang Timog-silangang Asyano sa siyam na unibersidad sa Tsina ay nakatuon, humigit-kumulang, sa pagpapaunlad ng mga programang pang-undergraduate sa halip na sa antas ng masterado at doktorado. Sa kasalukuyan, sa siyam na unibersidad, tanging ang Peking University lamang ang awtorisadong magpatakbo ng programang doktorado at post-doktoradong sentro ng pananaliksik sa mga wikang Asyano at Aprikano. Maliban sa akademyang militar, tatlong unibersidad lamang—ang Beijing Foreign Studies University, Guangxi University for Nationalities at Yunnan Nationalities University—ang may kakayahang magpatakbo ng mga programang pang-masterado sa mga wika at panitikang Asyano at Aprikano. Ang mga iba ay nakatuon lamang sa mga programang pang-undergraduate. Malinaw na may malaking pagkakaiba: ang bilang ng mga undergraduate ay sobrang laki samantalang ang bilang ng mga gradwadong mag-aaral ay napakaliit. Halimbawa, sa Guangxi Univeristy for Nationalities, ang tantos ng mga undergraduate sa Biyetnames sa mga gradwadong mag-aaral ng Biyetnames ay nasa 17.5:1; ang tantos ng mga undergraduate ng Thai sa gradwado ay nasa 37.8:1, ang tantos sa dalawa pang ibang unibersidad ay halos ganito rin.
Dagdag pa, sa siyam na unibersidad sa Tsina, ang pag-unlad ng mga programa sa mga wikang Timog-silangang Asyano ay di-balanse sa usapin ng dami ng wika. Wala sa kanila ang sumasakop sa lahat ng wika ng Timog-silangang Asya. Halos lahat ng mga unibersidad na ito ay may mga nakatatag na programa para sa Biyetnames at Thai, subalit di-pangkaraniwan ang Lao, Indones, Burmes, Malay, at Cambodian. Ang Pilipino ay halos hindi inaalok, maliban lang sa Peking University.
Sa madaling salita, ang mga programa sa mga wikang Timog-silangang Asyano ay matagal nang kinikilala sa Tsina. At ang mga nakaraang taon ay naging saksi sa pag-unlad ng mga programang ito sa mga unibersidad at kolehiyo sa Tsina. Subalit ang sobrang bilis na paglaki ay nagbunga ng mga nabanggit na kawalan ng balanse. Di-rasyunal na kaganapan ang pagkakaroon ng sobrang dami ng mga kurso sa wika sa mga mababang kolehiyo at mga pamantasang bokasyunal kung ikukumpara sa relatibong maliit na bilang ng mga mag-aaral sa wika na sinanay para maging mataas na propesyunal.
Pag-unlad ng mga Programa para sa mga Wika ng Timog-silangang Asya
Una, ang kaunlarang pang-ekonomya at panlipunan at mas mahigpit na pagtutulungan sa proseso ng pagbubuo sa China-ASEAN Free Trade Area ay patuloy na lilikha ng malaking pangangailangan para sa mga mataas na propesyunal at pangkalahatang kahusayan. Sa kontekstong ito, ang mga programa para sa mga wika ng Timog-silangang Asya ay gagawa ng mas rasyunal na modelo para sa pagsasanay sa mga espesyalista sa wika. Ang mga unibersidad sa Tsina ay unti-unting magpapalawak sa sakop ng kanilang mga programa para sa masterado at doktorado sa mga wika ng Timog-silangang Asya.
Pangalawa, dulot ng mabilis na kaunlarang panlipunan, ang mga kurikulum ng iba’t ibang mga programa para sa wika ay gagawa ng mga kinakailangang pagbabago at magdaragdag ng ilang mga kurso upang maging mas napapanahon at kumprehensibo. Sa kasalukuyan, ang mga pangunahing kurso sa mayorya ng mga unibersidad ay ponetiks, wikang pasalita, pakikinig at pagbigkas, batayang kurso para sa pag-aaral ng wika, abanteng kurso para sa pag-aaral ng wika, teorya sa pagsasalin at praktika (pag-iinterpreta at pagsasalin), mga piling babasahin sa panitikan, at kasaysayang pampanitikan. Upang makapagsilbi sa mga pangangailangan ng kaunlarang pang-ekonomya at panlipunan, magdaragdag ng mga kurso hinggil sa lipunan at kultura, mga pambansang kaugalian at kultura, kasaysayan at kasalukuyang kalagayan ng mga relasyon sa pagitan ng Tsina at target na bansa, batas, pananalapi at kalakal, wikang panturismo, at paggamit ng kompyuter sa target na wika upang sa gayo’y matransporma ang tradisyunal na programa ng pagsasanay sa wika sa isang nagkakaisa at kumprehensibong kurso.
Pangatlo, mahigpit ang pangangailangan ng kasalukuyang lipunan para sa mga propesyunal na nakakaalam ng isa hangga’t sa dalawang wikang Timog-silangang Asyano, maliban pa sa kabihasaan sa Ingles. Sa papabilis na proseso ng globalisasyong pang-ekonomya, ang mga propesyunal na iisa lamang ang nalalamang wikang banyaga ay hindi makakaagapay sa pangangailangan ng pamilihan. Ang may mahusay na kaalaman sa Ingles at isa o dalawang wika ng Timog-silangang Asya ang magiging pinakaangat.
Upang mapahusay ang propesyunal na kasanayan ng mga mag-aaral at makapagpalitaw ng mas maraming mahusay sa tatlo o higit pang wika, bibigyan ng mataas na prioridad ang pagsasanay sa mga guro. Ang mga unibersidad ay magbibigay ng higit na pagpapahalaga sa pagsasanay sa kakayahang propesyunal ng mga baguhan at may-edad na guro sa pamamagitan ng multiple channels. Dapat na ipatupad ang mga istratehiya ng “pagpapalabas” at “pag-aanyaya.” Ang “pagpapalabas” ay nangangahulugan ng paghikayat sa mga baguhan at may-edad na guro na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa masterado at doktorado, mag-aral sa mga target na bansa bilang mga estudyante o dumadalaw na iskolar. Ang “pag-aanyaya” ay nangangahulugan ng pag-imbita sa mga dayuhang ispesyalista at iskolar para magbigay ng mga panayam, at pag-anyaya sa mga tanyag na lokal na iskolar para magbigay ng kanilang mga mungkahi’t gabay. Sa ganitong paraan, ang karanasang pang-edukasyon ng mga baguhan at may-edad na guro ay magiging mas rasyunal, mapapabuti ang istruktura ng kanilang kaalaman, at mapapahusay ang kanilang kakayahan sa pagtuturo at pananaliksik.
Panghuli, ang mga programa para sa mga wika ng Timog-silangang Asya sa mga mababang kolehiyo at mataas na paaralang pang-teknikal ay kinakailangang pumasa sa tatlong pamantayan kung ayaw nilang maglaho sa kalaunan: (1) pahusayin ang pangkabuuang kalidad ng kanilang mga nagsisipagtapos upang matugunan ang mga pangangailangan ng lipunan, (2) repormahin ang kasalukuyang modelo ng pagtuturo at pangangasiwa, at (3) pahusayin ang pagsasanay sa kaguruan at pagpopondo sa mga pasilidad sa pagtuturo.
Nakikinita ng may-akda na sa nalalapit na panahon ay magkakaroon ng sobrang dami ng mga may batayan o panggitnang kaalaman sa mga wika ng Timog-silangang Asya at lubhang kakaunti ng mga mahuhusay at ispesyalista sa mataas na antas na bihasa sa mga wika ng Timog-silangang Asya at kumprehensibong kakayahan. Ang mga kurikulum ng mga programang pangwika sa mga unibersidad ay magiging mas rasyunal at napapanahon at magsasanay sa kanilang mga baguhan at may-edad na guro sa pamamagitan ng various channels upang mapahusay ang kanilang mga propesyunal na kakayahan. Ang mga mag-aaral ay sasanaying magpakabihasa sa higit na dalawang wika sa paraang mas nagkakaisa at kumprehensibo.
Ilang Mungkahi
Una, inaasahan na ang mga kinauukulang awtoridad ay magreregula at magbibigay ng wastong gabay sa mga di-makatwirang pagpapatakbo ng mga programa sa mga wika ng Timog-silangang Asya at magtatakda sa bilang ng mga mag-aaral sa mapanghahawakang dami, upang maiwasan ang magulong paglago ng mga programa at maging ng estudyante.
Pangalawa, dapat maglunsad ang mga unibersidad ng mga pagpapalitan at komunikasyon sa akademikong larangan at pananaliksik sa metodolohiya ng pagtuturo tungo sa pagpapahusay sa kakayahan at istruktura ng kaalaman ng mga guro sa pamamagitan ng various channels. Dapat mag-alok sa mga estudyante ng iba’t ibang mga kursong pagpipilian at masisiglang gawaing ekstrakurikular upang lumikha ng mas mainam na kapaligirang akademiko at mas malaking suporta sa kanilang pag-aaral.
Pangatlo, batay sa kanilang mga kasalukuyang programang pang-masterado, dapat pag-ibayuhin ng mga unibersidad ang kanilang pagsusumikap sa paghahanda para sa mga mas abanteng programang pang-doktorado sa mga wika at kultura ng Timog-silangang Asya na ang epekto ay makabubuti rin sa kanilang mga kasalukuyang programa sa BA at MA.
Pang-apat, ang mga unibersidad ay dapat magsagawa ng panibagong pagdidisenyo sa mga kurikulum ng mga programa para sa mga wika, na hindi lamang nakatuon sa pagsasanay sa wika. Dapat ay maghain ang mga ito ng mga kursong mas nauugnay sa kaunlarang panlipunan at sumasagot sa mga pangangailangang panlipunan, tulad ng lipunan at kultura, kasaysayan, batas, pandaigdigang pulitika, pananalapi, mga pambansang kaugalian, pangangasiwang panturismo, at iba pa.
Panghuli, maliban pa sa kanilang kurso sa wika, ang mga mag-aaral sa mga programa ng mga wika ng Timog-silangang Asya ay dapat magsumikap na magkaroon ng kahusayan sa Ingles, magpunyagi na maging propesyunal na bihasa sa tatlo o higit pang mga wika na lubhang kinakailangan ng lipunan. [Salin mula sa Ingles ni Sofia Guillermo]
Kyoto Review of Southeast Asia Issue 10 (August 2008)
Si Chen Hui ay nag-aaral sa College of Ethnology & Sociology sa Guangxi University for Nationalities. Ang artikulong ito ay unang lumabas sa Around Southeast Asia 2007, blg. 3. Isinalin ito para sa KRSEA ni Hu Jing.
KYOTO REVIEW OF SOUTHEAST ASIA GRATEFULLY ACKNOWLEDGES THE SUPPORT OF THE TOYOTA FOUNDATION.
Designed and developed by SQUEAKYSTUDIOS for CSEAS
Bibliograpiya
Qi Huan and Du Tao. 2004. “Review of the Political and Economic Relationship between the China and the ASEAN Countries in 2003.” Journal of Yunnan Finance & Economics University 19(3).
Huai Yu. 2004. “A Strategic Thought on the Globalization of Higher Education Between Yunnan and ASEAN.” Around Southeast Asia 8.
Fang Wei and Tang Yongjun. 2003. “Consideration of Internationalization Strategy of Guangxi-ASEAN Higher Education.” Around Southeast Asia 11.
Zhang Xiaoqin. 2005. “Give Full Play to Existing Advantages and Uniqueness and Build Up Famous Brand for Non Universal Foreign Languages Programs.” Higher Education Forum 1.
click to download PDF
Kyoto Review of Southeast Asia
Issue 10 (August 2008)
© Center for Southeast Asian Studies, Kyoto University